Thursday 5 April 2012

Handa Ka Na Bang Mamatay?

Isa sa pinakakinatatakutan ko ang kamatayan. Hindi si Kamatayan na kumukuha ng mga masasamang kaluluwa matapos nating mamatay kundi ang mismong kamatayan na kung saan ay tanging katawan na lamang ang maiiwan sa mundo.

Ngunit lahat tayo, mamamatay. Walang exception. Walang pero-pero. Kapag oras mo na, kahit saan ka pa magtago, wala kang takas. At hindi ito nakabase sa kung ano ang iyong edad, kasarian, natapos sa eskwela, taas ng sweldo o posisyon sa trabaho, dami ng naipon at estado sa buhay. Dahil lahat ng ito, panandalian lang. Maari itong mawala sa isang iglap lang dahil hiram lang daw ang buhay natin.

Kung sakaling mamamatay ka na bukas, handa ka na ba? Nagawa mo na ba ang lahat ng nais mong gawin? Nakita mo na ba ang lahat ng nais mong masilayan? Napuntahan mo na ba ang lahat ng nais mong marating? Nakain mo na ba lahat ng pagkaing nais mong tikman? Naabot mo na nga ba ang mga pangarap mo?

Kung mamamatay ka na bukas, nakabayad ka na kaya ng utang mo, kung meron? Nakahingi ka na ba ng tawad sa mga nasaktan mo at napatawad ang mga nakasakit sa'yo? Nakapagpasalamat ka na ba sa mga tumulong at umalalay sa'yo? Naipadama mo na ba sa pamilya mo at mga malalapit sa puso mo kung gaano mo sila kamahal? Nasabi mo na nga ba ang lahat ng nais mong sambitin?

Kung mamatay ka na bukas, sapat na ba ang mga panahong inilagi mo sa mundo para masabi mong naging makabuluhan naman ang buhay mo? Nakatulong ka ba sa kapwa mo? Nakagawa ka na nga ba ng bagay na tatatak sa isip at puso ng mga tao?

Kung mamamatay ka na bukas, sa paanong paraan ka kaya aalalahanin ng mga tao? Isang mabuting tao o sakit lang ng ulo? May iiyak kaya? May dadalaw kaya at sasabihing mahal na mahal ka nila? May magngungulila ba? Isang linggo, dalawang buwan, tatlong taon, apat na dekada, hanggang kailan mananatili ang alaala mo sa mundo?

Kung mamamatay ka na bukas, sa langit ka kaya mapupunta? Makakaharap mo kaya ang Naglalang sa'yo? Naipagkasundo ka na ba sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya sa anak Niyang si HesuKristo? O isa ang kaluluwa mo sa mga itatapon sa madilim at malungkot na dako ng impyerno?

At kung mamamatay ka na bukas, bakit hindi pa ngayon? Hehe. Biro lang.

Walang makakapagsabi kung kailan at saan babawiin sa atin ng Diyos ang buhay na ipinagkaloob Niya. Pero kung bukas na pala, handa ka na bang mamatay?

Tuesday 27 March 2012

Utang na Loob

"Patay na raw si Kuya Bong. Inatake sa puso at dinala sa ospital pero tatlong araw lang, binawian na rin ng buhay. Namatay ng mahirap, nakakaawa naman."

Ito ang balitang bumungad sa akin kagabi pagkagaling ko sa trabaho at eskwelahan. Ibinalita raw ng isang kamag-anak na namatay na ang kaibigan ng aking mga magulang na naging dahilan kung bakit kami nakaaangat ngayon sa buhay.

Sila Ate Neng at Kuya Bong ang dahilan kung bakit unang nakapangibang bansa ang aking mga magulang at ang marami pa naming mga kapitbahay dalawampung taon na ang nakakaraan. Marami silang natulungan at maaari mong sabihin na sila ang pinakamayaman noon sa aming lugar. Panay ang panlilibre at pamumudmod nila sa mga tao. Parang pista lagi sa dami ng alak at pagkain na ipinamamahagi nila. Hindi sila naging maramot. Ngunit may manipis na linya sa pagitan nito at pagiging pabaya. Nakalimutan nila ang magtabi para sa kanilang sarili, para sa hinaharap. Hindi nila napag-ingatan ang kasaganahang ibinigay sa kanila ng pagkakataon.

Makalipas ang ilang taon, nalulong sa masamang bisyo ang isa sa kanilang mga anak at kinailangang ipagamot sa rehabilitation center. Kasabay nito ay ang inggit na lumamon sa mga kababayan natin. Ipinagkalulo sila ng isang kakilala na naging dahilan upang hindi na sila muling nakapangibang bansa pa.

Sinubukan pa nilang umahon sa kakaunting perang naipon nila. Ngunit kinalauna'y naubos rin ito at naibenta ang mga bagay na naipundar. At kasabay nito'y pagkawala rin ng kanilang mga tinatawag na 'kaibigan'.

"Utang na loob!" ang kanilang sigaw. Matapos nilang tumulong at makisama sa tao, ito lang pala ang kanilang matatamo. Hindi naman siguro sa humihingi sila ng kabayaran sa kanilang mga naibigay ngunit ano ba naman ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong minsang umalalay sa'yo?

Tunay nga ang sabi ng aking mga magulang. Ang mga huwad na kaibiga'y magaling lamang kung may makukuha sila sa'yo, kung may pakinabang ka sa kanila. Pero 'pagdating ng araw na sila naman ang kailanganin mo, umasa kang hindi ka nila papansinin na tila'y hangin.

Sa ngayo'y unti-unti nilang sinusubukang makatayong muli mula sa pagkakadapa sa tulong ng maliit na negosyo. Nasa ibang bansa na rin ang isa sa kanilang mga anak. At naniniwala akong pahahalagahan na nila kung anuman ang ipagkakaloob sa kanila ng Diyos.

Tunay ngang mapaglaro ang tadhana. Hindi natin nalalaman kung ano ang mangyayari sa susunod na araw. Kaya paalala mga kababayan, lalo na sa mga OFW, huwag po sanang dumating ang panahon na iwan na kayo ng karangyaan at mga taong sa ngayo'y kinikilala kayong 'kaibigan'.

Nagmamahal,
Ariane

Palimos Po

May nakita ka na bang matandang puti na ang lahat ng buhok na nagtitinda sa mga overpass? Matandang tila wala ng lakas sa kapayatan na naglalako ng sampaguita sa mga simbahan, palengke o kalsada? Matandang nakasalampak sa lupa, baluktot ang likod na may katabing lata?

Anong naramdaman mo? Nakaramdam ka ba ng awa at kirot sa iyong puso? Ano ang ginawa mo? Bumili ka ba ng itinitinda nila o nagbigay ng limos?

Kung oo ang sagot mo, marahil isa kang maka-lolo o makalola. O dumadaloy pa rin sa dugo mo ang pagiging isang tunay na Pilipinong may paggalang sa nakatatanda at kapwa kahit pa  hindi mo naman personal na kakilala.

Sabi ng mama ko, wag na wag daw naming kalimutang magbigay ng tulong sa tuwing makakakita ng ganun. Mas mabuti na kami ang nagbibigay kaysa binibigyan. Gayundin ay ang pagpapaalalang pangalagaan ang kung anong meron kami para sa hinaharap upang hindi matulad sa sinapit nila.

Pero dapat nga ba silang kaawaan? Hindi dapat, ang sabi ng professor ko noong nasa university pa 'ko. Siyempre natahimik kaming lahat sa klase. Tapos nagsimulang bumagsak isa-isa ang mga mukha at magbulungan. Lahat may violent reaction. Hindi namin inaasahan na manggagaling ang mga salitang iyon sa matalinong professor na iginagalang at tinitingala naming lahat at ng kapwa niya mga guro.

Ngunit bago pa man tuluyang mag-init ang malamig na klasrum, nagsimula na siyang magpaliwanag. Hindi sila dapat kaawaan dahil matatanda na sila. Dapat kaya na nila ang sarili nila. At para pagtibayan ang kaniyang sinabi, nagpatuloy siya sa pagsasabing, binigay na sa kanila ng Diyos ang lahat ng pagkakataon para pangalagaan at pagyamanin ang kung anong meron sila. Nabuhay sila ng ilang dekada nang hindi man lang naaayos ang buhay nila.

At mas lalong natahimik kaming lahat. May punto ba si prof? Sabi nga, hindi mo kasalanan kung pinanganak kang mahirap pero kasalanan mo kung mamamatay kang mahirap. Marami na tayong napanood, nabasa at narinig na kwento ng pakikibaka ng mga taong nagmula sa kahirapan pero pinilit makaahon at makarating sa rurok na kanilang kinalalagyan.

Kung babalikan ang nakaraan, marahil sila yung mga hindi nag-aral ng mabuti sa eskwela. O di kaya'y dating mga mayayaman na inubos ang lahat ng pera at karangyaan sa mga walang kabuluhang bagay. O maaari rin namang naging mahina lamang sila sa mga pinagdaanang pagsubok ng buhay kaya't tuluyang nasadlak sa putikan. O pwede rin namang biktima lamang sila ng pagkakataon. Isinilang ng mga magulang na walang sariling tahanan at maski mga sarili ay hindi kayang pakainin. Mga taong namamalimos rin at naiiraos lamang ang pang-araw-araw na buhay mula sa kaunting barya na tulong ng mga taong nakakasalubong nila sa daan.

Nakakaawa? Siguro nga. Gayunpaman, nararapat lamang na tulungan natin sila sa mga huling sandali ng buhay nila at gamitin ang mga kwento nila bilang paalala na hindi natin dapat aksayahin ang mga pagkakataon na ibinibigay sa atin ng kapalaran.

Nagmamahal,
Ariane

Friday 23 March 2012

Dahil Sa'kin, Sa'yo, Sa'tin


Nasaan na ang maunlad at kinaiinggitan nating bansa? Dalawampu't anim na taon na ang nakalipas mula nung Edsa Revolution. Pero nasaan na ang pinaglaban nating pagbabago?

Bakit marami pa rin ang nagugutom? Bakit marami pa rin ang nagtitiis ng lamig sa kalsada at pinagtagpi-tagping kahoy at yero sa kakulangan ng mga pabahay? Bakit marami pa rin ang walang trabaho?  Bakit marami pa ring nawawalang pondo? Bakit marami pa ring nagugutom? Bakit marami pa ring di makapag-aral? Bakit marami pa ring pinapatay at pumapatay? Bakit marami pa ring mahirap? Bakit nga ba di na umaahon ang Pilipinas at tila tuluyan nang nasadlak sa putikan?

Dahil sa'tin.

Sa'tin? Bakit tayo? Wala naman tayong ginagawa ha!

Yun na nga problema e. Wala tayong ginagawa.

May magagawa ba tayo? E mismong mga pinuno nga ng bansa natin walang magawa.

Sus, ano pa bang bago diyan? Sino pa bang hindi nakakaalam niyan? Halos lahat na tayo idinadaing 'yan. Maski nga ang kawalan ng bigas na isasaing sa araw-araw, isinisisi natin sa gobyerno. Pero ilang eleksyon na ba ang nagdaan? Nakailang palit na ba tayo ng presidente sa pag-aakalang may pagbabagong magaganap? Minsan ba naisip natin na baka naman nasa atin na pala ang problema? Kahit naman kasi sinong iboto at mahalal sa posisyon, inaayawan at pinabababa natin.

Tama na muna sigurong ibato ang lahat ng kamalasan sa buhay natin sa gobyerno. Tigilan na natin ang paghihintay na may gagawa ng mga bagay para sa atin. Dapat nating malaman na walang isang pinuno ang sasapat sa dami ng problema ng bansa. Pansinin natin ang paglalakad ng isang talangka, hindi umuusad; patagilid na, mabagal pa. Kaya tigilan na natin ang pagiging utak-talangka, di tayo aasenso niyan.

Kung magtuturuan at magsisisihan nalang tayo habang nakikipagtsismisan at nagbabasa ng mga sanaysay na tulad nito, wala pa ring mangyayari. Kailangan nating kumilos. Himbis na ayusin ang mga bloke sa tetris para maunahan ang mga kaibigan mo sa facebook ranking at mag-tweet ng kinain mo kaninang umaga sa twitter at pag-uubos ng oras sa maghapon kakabasa ng mga kalokohan sa 9gag, ibahagi ang mga kaisipang tulad nito. Para saan pa ang mga sumusulat kung walang bumabasa? Para saan ang mga bumabasa kung wala namang umaaksyon? Kailangang simulan natin ang pagbabago sa sarili natin.

"Change will not come if we wait for some other person or some other time. We are the ones we've been waiting for. We are the change that we seek." ~Barack Obama

Oops, scroll up. Basahin ulit. Nagdadalawang-isip ka siguro kung may pakialam ba talaga ako sa Pilipinas? Ibang presidente ata ang naisulat ko. H'wag mo nang gawing big deal yan. Wala na tayong panahon para sa pamimilosopo mo dahil nahawa ka na kay Vice Ganda, Boy Pick-Up, at SimSimi.

Tanong tayo nang tanong. Puna tayo nang puna. Maghihintay nalang ba tayo sa pagbabagong hinihahangad natin? Ano na ba ang nagawa natin para sa bayan? At kung hindi pa tayo ngayon kikilos, kailan pa?

Lahat ng bagay sa una'y mahirap at masakit. Ngunit pasasaan ba'y giginhawa't makakaahon rin tayo. Magkakapatid tayo at kailangan tayo ng ating inang bayan. Isantabi muna natin ang inggit at hinanakit sa ating kapwa. Tsaka na muna tayo magpayabangan at magpasiklaban. Kailangan nating magtulungan.

Hindi mo ba pinangarap na makikilalang tayong muli at tingalain sa buong mundo hindi lamang dahil sa mga talentadong Pinoy Pride at pinakamadaming pinakamahabang pinakamalaking pinakapinaka? O hindi ka man lang ba nahihiyang numero uno tayo sa pinaka-corrupt na bansa sa Asia at may pinakamaruming airport?

Tayo ang dahilan kung bakit walang pagkakaisa. Tayo ang dahilan kung bakit nagsusumigaw sa paghihirap ang Perlas ng Silanganan. At tayo rin ang magiging dahilan ng pag-asenso nitong muli.

Dahil sa'kin pwedeng magising ka sa katotohanan. Dahil sa'yo pwedeng magsimula na ang mga pagkilos. Dahil sa'tin pwedeng magbago ang bulok na sistema ng bayang ito.

Nagmamahal,
Ariane

Friday 9 March 2012

Wag namang ganyan, Kabayan!

Kakatapos ko lang magtrabaho. Andaming naging pasyente. Pagod at basa na ko ng ulan dahil nakalimutan kong magdala ng payong. At kapag inabot ka nga naman ng kamalasan, lowbat pa yung fone ko kaya di ako makapakinig ng Christian Songs. Tinatamad din naman akong hugutin ang libro sa bag para magbasa. Naisip ko nalang matulog sa mahigit isang oras na biyahe pauwi ng bahay.

Pagkahinto ng tren sa una nitong stop, isang kababayan natin ang sumakay na may kasamang ibang lahi na mula rin sa Asya. Ngumiti ako at malamya naman siyang tumugon. Ipinikit kong muli ang aking mga mata pero hindi ako makatulog. Narinig kong pinag-uusapan nila kung gaano kaganda ang buhay dito sa London.

Maya-maya lang napasok na sa usapan ang Pilipinas. Tinatanong yung kababayan natin kung ano daw masasabi niya sa ating bansa. English ang sagot niya pero kung isasalin sa sariling wika, sinabi niyang...

"Mahirap kasi walang trabaho, walang makain. Kurakot ang gobyerno at walang kwenta ang mga batas dahil walang mga sumusunod at wala rin namang nagpapatupad. Kung dun ka titira, walang mangyayari sa buhay mo. Pero okey din naman."

Di ko napigilang imulat ang aking mga mata at tignan sila. Ganun na lamang ang hiya ko sa sarili ng makita kung gaano sila kadismaya sa narinig habang nakangiti pa rin ang walang pakundangan sa pagsasalita. Muli kong ipinikit ang aking mga mata at naghintay kung may sasabihin siyang positibo. Pero wala. Paano naging okey yung mga sinabi niya? Ni hindi man lang niya nilinaw sa mga kausap kung anong ibig sabihin ng "okey" para sa kaniya.

Wag namang ganyan, Kabayan! Para mo ng pinatay ang isang bayang naghihingalo pa lamang. Sapat ng alam nating mga Pilipino ang dapat baguhin sa ating bayan. Di na natin kailangan pang ipamalita sa ibang bansa kung gaano tayo kabastos at kawalang disiplina. May maitutulong ba sila? At sa ginawa mo, may naitulong ka ba? Lalo mo lamang sinira ang imahe ng ating inang bayan.

Aminado akong totoo ang mga sinabi niya. Kung tutuusin, ito rin ang kadalasang pinupunto ng mga sanaysay ko. Ngunit may mas magandang paraan kung paano ito sasabihin. At taliwas sa kaniyang motibo, ang hangad ko'y pagbabago.

Sa halip na ibenta ang sarili mong bayan sa mga karatig-bansa nito, bakit hindi mo itanong sa iyong sarili kung may naitulong ka na ba para matuldukan ang mga kabulukang nabanggit mo? Nakalimutan mo na ba na kahit wala ka na sa Pilipinas ay kakabit pa rin ng iyong pagkakakilanlan ang pagiging isang Pilipino? O talagang kinalimutan mo na?

Kung kaya ka nangibang bansa dahil nais mong tulungan ang iyong pamilya at maipagmalaki ng iyong bansa, saludo ako sa iyo. Pero kung umalis ka para talikuran ang bulok na sistema nito at masalimuot mong buhay, duwag ka. Hindi ka nararapat na tawagin bilang OFW na mga bagong bayani ng ating bayan. Tama na ring umalis ka dahil isa ka lamang pampabigat. Isang makasariling tao na walang pagtanaw ng utang na loob sa bayang kumalinga sa'yo ng ilan ding taon.

Kabayan, sana magbago pa ang iyong pananaw. Sana balang araw, kainin mong muli ang iyong mga sinabi. Pero kung hindi na, sana lang, wag ka ng bumalik sa ipinagkalulo mong pinanggalingan.

Nagmamahal,
Ariane

Thursday 1 March 2012

Pinoy Raw, Matigas ang Ulo!

Bakit tayo bumababa at sumasakay, nagbababa at nagsasakay sa mga no loading and unloading area? Bakit tayo tumatawid sa ilalim ng overpass kahit may malaking babala na nagsasabing may namatay na rito? Bakit tayo nagtatapon ng basura kahit may paalala na bawal magtapon ng basura rito? At mas lalong bakit tayo umiihi kahit may nakasulat ng 'Ang umihi, putol t*t*'?

Sadya nga bang matigas ang ulo nating mga Pilipino? O trip lang natin na kalabanin ang mga batas ng lipunan para matawag na ASTIG?

Pero teka, 'astig' nga bang maituturing ang mga taong pilit na pinatutunayan sa sariling masarap gawin ang bawal? Nakakabilib ba ang lakas ng loob natin sa pagsuway sa mga payak na alintuntunin na madali lang namang gawin? Marahil nararapat lamang na tawagin tayong mangmang.

Mahirap ba talagang maglakad ng ilang minuto para sumakay at bumaba sa mga tamang sakayan at babaan? Nakakapagod ba talagang umakyat sa overpass para tumawid kaya nakikipagpatintero na lamang tayo sa mga mabibilis na sasakyan? Nakakatamad bang ilagay sa bulsa o hawakan muna ang kalat hanggang sa may mahanap na basurahan? At nakakamangha bang makakita ng asong umiihi sa mga pampublikong pader kaya dapat gayahin rin ng tao?

Kung ang mga simpleng ordinansang tulad ng mga nabanggit ay hindi natin kayang sundin, paano pa kaya ang mga nakapaloob sa ating Saligang Batas? Tapos tanong tayo ng tanong kung bakit walang kaayusan at katahimikan sa ating bansa.

Hindi lang ba natin nauunawaan na ang mga kautusang ito ay ginawa hindi para pahirapan at pagurin tayo kundi para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat isa sa atin? O baka naman tamad lang talaga tayo kaya hilig nating maghanap ng shortcut?

Ilang beses na ba tayong na-late dahil sa mabagal na daloy ng trapiko? Ilang beses na ba tayong nakasaksi ng nasagasaan dahil tumawid sa maling lugar? Ilang beses na bang nagbaha na kumitil sa buhay ng daan-daan nating kababayan dahil sa mga baradong estero at kanal? Ilang beses na ba nating pinigilan ang paghinga pansamantala para maiwasang malanghap ang di kanais-nais na simoy ng hangin?

Pero paano nga ba tayo susunod kung kulang tayo sa mga matitinong opisyal na magpapatupad sana ng mga batas na ito? Mga lider na sila mismo ang pasimunong lumabag ngunit hindi naparurusahan.

Hanggang kailan ba natin idadahilan na hindi naman lahat ng Pilipino ay tamad, walang disiplina at respeto para sa bayan? Oo nga't may mangilan-ngilan pa rin namang masisikap na may malasakit at pagmamahal sa bansa. Pero ano ang ginagawa ng nakararami? Sa siyam na pung milyong Pilipino, ilan na lamang ba ang nagtatiyagang tahakin ang matuwid na daan?

Nagmamahal,
Ariane

Thursday 16 February 2012

Asawa Nga Naagaw E! Boyfriend/Girlfriend Pa Kaya?

‘Yan ang palaging katwiran ng mga di padadaig na mangingibig ng mga taong may karelasyon na pero sadyang habulin.

E kung pinggan nga nababasag, mukha mo pa kaya?

Paano ka ba magmahal? Ikaw ba yung tanga? Yung kahit na alam mong niloloko ka na, go pa rin? Yung kapag nahuli mong nakikipaghalikan syota mo at sinabi niyang hinimatay lang dahil nagkulang sa oxygen kaya ni-resuscitate niya, maniniwala ka pa rin?

O ikaw yung nakaw-tingin lang? Masyadong torpe o pakipot, takot mareject. At sa bandang huli palaging nagsisisi? Pa’no kasi may gusto rin naman pala sa’yo yung tao, pero huli na ang lahat para sa inyong dalawa.

O baka naman ikaw yung gagawin lahat makuha lang yung taong gusto mo? Kahit na alam mong may masasaktan at maaagawan ka?

Wala namang tama o mali sa pagmamahal. Bawat tao, may kanya-kanyang paraan. Nagiging mali lamang ito kapag gumawa ka na ng paraan para masira ang pagsasama ng iba.

Sa Isang Radio Station:

Background song playing: ”Kay rami ng winasak na tahanan. Kay ‘rami ng matang pinaluha. O tukso, layuan mo ako…”

“Hello Dr. Love, nag-away po kami ng pamilya ko. Nalaman kasi nilang may asawa’t anak na yung boyfriend ko. Ano bang dapat kong gawin? Mahal na mahal ko po kasi.”

Tinatanong pa ba ‘yun? Edi hiwalayan niya. ‘Langya. Kahit pagbali-baliktarin pa ang pangyayari, mali e. Maling-mali. Una palang alam niyang may sabit na yung tao, pumatol pa rin. Kaya dumarami ang mga kasal na napapawalang bisa e. Mga tahanan na nasisira. At kung sa kalagitnaan na ng relasyon niya nalaman yung tunay na pagkatao nung lalaki, tanga talaga siya. Pa’no nangyaring mahal na mahal niya na yung taong di pa naman pala niya lubusang kilala ang pagkatao?

Ang isa pang nakakapang-init-ulo ay kung sino pa yung agaw-eksena, sila pa yung kadalasang mas matapang kesa dun sa mga ‘legal’ o mas nauna. Sabagay, nakakapagtaka pa ba yun? E ang pagiging kabit ay nangangailan naman talaga ng lakas ng loob at kapal ng mukha.

Bakit nga ba andaming nahihilig ngayon sa pinagbabawal na pag-ibig? Dahil ang manok mas madaling mahuli kapag nakatali? O dahil maraming naniniwala na lahat ng bawal, masarap?

Madali man at masarap, kasalanan pa rin. Hindi ba’t kasama sa Sampung Utos ng Diyos na h’wag makiapid? Walang ‘pero’ at ‘paano kung’. Kahit pa ba sabihin mong di pa kasal o wala pang anak. Walang exception. Basta bawal kumuha ng hindi iyo. Kaya kahit ano pang paliwanag, hindi pa rin tanggap sa lipunan ang ganitong uri ng relasyon. Lalo na sa mga Pilipino.

Kung isa ka sa mga galit na galit ngayon na gustong magreport sa admin para ma-block ang blog na ‘to at sasabihin mong wala akong alam kung gaano kahirap kumawala sa ganitong uri ng relasyon, oo, tama ka. Tamang wala akong alam dahil di ko kailanman pinangarap pumasok sa magulo at masalimuot na sitwasyon mo. At tama ka rin na mahirap kumawala. Sino bang nagsabing hindi? Pero kailangan mong gawin. Nabuhay ka naman nung wala pa siya, bakit hindi ngayon?

Lahat tayo ayaw maloko. Lalo na kung ang dahilan ay ibang tao at alam natin na mas may karapatan naman tayo. Kaya wag ka namang maging makasarili. Isipin mo na lang kung paano kaya kung sa inyo naman ng mahal mo yung may makisawsaw? Isa pa, kung yung nauna nga sa’yo nagawang lokohin ng salawahan mong karelasyon, pa’no ka nakakasigurong hindi niya gagawin yun kapag may dumating na namang bago?

Hindi ka talo kung tatalikod ka lalo na kung mahal na mahal mo na talaga. Panalo ka hindi lamang sa mata ng ibang tao, kundi sa Diyos na rin mismo. May inilaan na Siya para sa iyo. Maaaring nakilala mo na o makikilala pa lamang. Wag kang mang-agaw ng nakalaan na sa iba para mapadali ang paghahanap. May tamang panahon at tamang tao para sa’yo.

Nagmamahal,
Ariane

Tuesday 7 February 2012

Inlababo vs. Ampalaya

Inlababo. Ito ang kadalasang tukso sa’yo kapag bigla-bigla ka na lamang natatahimik at natutulala, kasabay pa ng pangiti-ngiting tila kinikilig. Nagsimula na ring maging cheesy ang mga litanya at status sa mga social network accounts mo.

Pa’no nga ba masasabi na inlab ka?

‘Pag masaya ka? Kapag blooming? Kapag di mo na mabitawan yung cellfone mo kakatitig sa wallpaper mo at kakahintay ng text niya? Kapag may ka-”i love you”-han ka? Kapag hindi one-sided love ang nararamdaman mo?

Eh kapag nag-aantay ka na mahalin ng gusto mo? Kapag umaasa ka na babalik pa rin yung nang-iwan sa’yo? Inlab ka pa rin ba ‘nun?

Paano naman kapag puro kasawian at kapaitan na ang pinapairal mo? Kapag nagsimula nang bansagan kang ampalaya? Kapag ba bitter ka, automatic, out of love na agad?

“Pwede mo kong lokohin pero wag kang magpapahuli sakin. Pwede mo kong palitan pero siguraduhin mong mas mahal mo siya sakin. Pwede mo kong iwan pero siguraduhin mong kaya mo. Kasi pag ako sobrang nasaktan, wala ka nang babalikan.Kasi ‘pag ako sobrang nasaktan, wala ka ng babalikan”

“Naks. Inlababo”

“Inlab ba yan? Di nga e. Niloko lang ako. ”

“Ay, ampalaya. Haha”

Hindi ba kasama sa pagiging in love ang masaktan? Kailangan ba laging masaya?

Kapag ba broken hearted ka dahil iniwan ka ng syota mo, o nalaman mong may syota na yung gusto mo o di pala ikaw yung gusto niya, o di ka sinagot ng nililigawan mo, hindi ka na in love?

Kahit pa ilang beses kang sumigaw na “di na kita mahal” at “nakapag-move-on na ko”, di mo makakaila sa sarili mo na ang gusto mo talagang sabihin ay “sana ako nalang, sana ikaw pa rin, sana tayo nalang ulit”. Gamitin mo man lahat ng defense mechanisms na alam mo, masakit pa rin.

Kaya ka nga nasasaktan e. Kasi nagmamahal ka.

Malalaman mo lang na ‘di ka na nagmamahal kapag totoong wala na yung sakit. Pero wala na rin yung saya. Di mo na namimiss si past. Pero wala pa naman si present. Di mo rin sigurado kung darating pa ba si future.

Wala ka ng nararamdaman. As in, empty. Wala e. Wala na talaga.

Nagmamahal,
Ariane

Wednesday 1 February 2012

Bob Ong Kowts: Ika-Siyam na Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-siyam na libro ni Bob Ong, ang Lumayo Ka Nga Sa Akin na nahahati sa tatlo:

Bala sa bala. Kamao sa Kamao. Satsat sa satsat.

  • Kung alam ko lang na pwersado rin akong magtatrabaho nang ganito, nagsikap na lang sana ako sa eskwelahan nung bata ako. Parehas lang naman palang nakakapagod. At least pag nakapag-aral ka, may pag-asa ka pang magkaroon ng magandang kinabukasan at makatulong sa iba.
  • Ang mahilig lang magsabi ng korni e yung mga taong pa-deep. Kung gusto mong matawa, dapat paminsan-minsan magpakababaw ka rin. Wag nga lang sosobra.
  • Cool factor. Para maging "in" ka, dapat magustuhan mo yung gusto ng iba. Pero pag sobrang dami na ng may gusto, dapat umayaw ka naman dahil magiging jologs ka na. Dapat kakaiba lagi ang gusto mo, para kunyari iba ka.
  • Hindi lahat ng inaakala mong korni, e korni. Minsan ikaw lang din talaga ang walang sense of humor at may diperensya, siguro dahil sa pagpipilit mong maging iba.
  • Ang hinahangaan kong tao na mahilig sa libro e yung may matututunan ka kapag kausap mo yung makikita mong naging mabuti siyang tao dahil sa pagbabasa niya ng libro.
  • Balang araw, may magmamalasakit rin sa henerasyon niyo. Balang araw magbabago rin ang lahat. Balang araw.
Shake. Shaker. Shakest.
  • Mahirap ang walang alam sa mga importanteng nangyayari sa mundo.
  • Ang TV parang drugs pero ligal.
  • Tatlo ang mga magulang ng henerasyon natin. Ang tatay, nanay at ang mga patalastas o media. Kaya kung mahina yung dalawang nauna, naagawan sila ng ikatlo sa pagpapalaki ng bata.
  • Sa buong araw ng pagbababad mo sa TV, abot anim na oras ang malulustay mo sa panonood lang ng mga patalastas. In essense ito ay patalastas na siningitan ng mahahabang palabas sa pagitan.
  • Makakausap niyo ang mundo. Maipapaalam niyo sa mga kinauukulan ang mga opinyon at saloobin niyo. Makukuha na ninyo ang atensyon ng abalang lipunan. Pakikinggan at papansinin na kayo ng mga tao. Ang buong mundo ay magiging personal niyong entablado.
  • Bayani pa rin ba si Rizal kung walang nagbasa ng Noli Me Tangere? Panitikan pa rin ba ang mga papel na may sukat kung walang mga taong magbabasa nito?
  • Walang isang manunulat ang sasapat sa pangagailangan ng lipunan.
  • Hindi ba tama na sa halip na maliitin ang kabataan dahik sa binabasa nilang manunulat ay purihin sila sa pagbabasa at saka samantalahin ang pagkakataon para hikayatin sila ay ipakilala sa iba pang makabuluhang libro?
Asawa ni Marie
  • May lisensya rin naman ang pagiging driver diba, at hawak rin ang buhay ng mga tao?
  • Magloloko ang teenager, bubuo ng pamilya, pero hindi aalis sa poder ng magulang hanggang magkaapo.
  • Pinapatay ng komersyalismo ang sining na siya ring dapat bumubuhay sa mga negosyante at ordinaryong tao sa industriya natin.
  • Mapapailing ang mga mababasa sa buong kuwentong kanilang nasaksihan, pero wala silang gagawin o babaguhin.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ika-Walong Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-walong libro ni Bob Ong, ang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan.
  • No reaction. Magtatampo ba 'ko sa kanya, magagalit o none of the above dahil ako na lang naman yata ang umaasa at matagal na 'kong wala sa mundo para sa kanya?
  • Madalas sinasabi ko na walang panahon para malungkot pero ang totoo nagsusumigaw ako sa lahat ng tao para tulungan akong malalimot sa sakit na nararamdaman ko.
  • Hindi naman kailangang 'paranormal' ang demonyo. Yung mga kriminal na nababalita sa dyaryo, mga demonyo na 'yon. Yung mga masasamang ginagawa ng mga tao, yun ang demonyo, at hindi yung mga paramdam ng espiritu na pagdedebatehan pa kung totoo.
  • Ang kapangyarihan ng tao as creator (sa procreation) ay nababalewala at nasasalaula na lang sa makasariling kasiyahan.
  • Maganda talaga sa probinsya, ambabait ng mga tao. Sobrang generous. Samantalang sila ang mga walang pera, pero buhay na buhay ang bayanihan.
  • Hindi mo kailangan dito ng alarm clock. Tumitilaok ang manok sa umaga, humahalik ang mga butiki sa lupa pag gabi. Hindi mo kailangan ng mga numero para malaman ang oras.
  • Walang tigil ang tao sa paggamit ng enerhiya. Lahat ng maaaring pagkagastusan ng kuryente, gagawin nila. Nabubuhay sila sa sistema ng pag-aani ng mga kayamanan ng mundo upang gawing lason at basura.
  • Hangal ang tao dahil sa pag-iisip na siya ang hari ng santinakpan, sa pag-aakalang magagawa nyang makibagay sa kanya ang sanlibutan sa halip na sya ang makibagay dito.
  • Mga tao mismo ang.pumapatay sa sarili nila sa uri ng pinili nilang pang-araw-araw na pamumuhay.
  • Liwanag ng buwan, ilaw ng mga alitaptap, tunog ng mga kuliglig, tapos sariwang hangin, murang pagkain, simpleng buhay...sarap tumira sa probinsya.
  • Hindi kami gumagamit ng teknolohiya; hindi kami nagagamit ng teknolohiya. Oo nga't napapadali nito ang buahy. Pero hindi kami nagmamadali.
  • Hindi namin kailangan ang kayamanan dahil magiging katapusan lang ito ng pangangailangan namin sa isa't-isa. Wala sa aming nabubuhay para sa sarili lamang.
  • Kung naniniwala ka sa sinabi ko sapagkay natatakot ka, isa kang mangmang. Kung hindi ka naniniwala sapagkat hindi ka natatakot, higit ka sa mangmang - wala kang kaligtasan.
  • Ayoko ng mag-isip. Pagod na 'kong sisihin ang sarili ko. Sawa na 'kong manghinayang.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ika-Pitong Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-pitong libro ni Bob Ong, ang Kapitan Sino.
  • Alam mo ba ang pinagkaiba ng mga bulag at ng mga nakakakita? Hindi alam ng mganakakakita kung kelan sila bulag.
  • Ang pinakamahalagang bagay sa mundo, hindi nakikita ng mata.
  • Nakakatakot nga na mapagkamalang hindi ka pwedeng mahalin, o mapagkamalian kang mahalin dahil sa itsura mo.
  • Sabi ng tatay ko dati, wag daw akong malungkot dahil mga panlabas na anyo lang ang di ko makikita, pero mas makikilala ko ang mundo sa kung ano ito dahil di ako mabubulag ng mga anyo.
  • Ang kakulangan ng katauhan ko, pinunan ko ng pagiging makatao.
  • Walang bayaning makapagliligtas sa akin dahil ang pinakamalaking kalaban ko ay ang sarili ko
  • Ang trahedya ng buhay ko? Hindi ako nagkaroon ng kapangyarihang makapagsabi ngtamang bagay sa tamang tao sa tamang panahon..
  • Hindi naman kailangan ng maraming tao para bumuo ng mundo e. Minsan isang taolang ang kasama mo, buo na ang munding kailangan mo habambuhay.
  • Kung ang lahat lang ng tao may kapangyarihan, eh di sana lahat tayo bayani. At kung lahat ng tao may konsensya, hindi kailangan ng bayani.
  • Hindi hawak ng tao ang buhay, pero hawak ng tao ang kapangyarihan para hindi pahirapan and ibang tao.
  • Wala namang napapala ang bayani kung lalagyan mo ng bulaklak ang puntod nya. Ang pagrespeto sa bayani, pagrespeto sa mga ipinaglaban nya. Pangalagaan mo ang kalayaan, o ang magandang buhay na pangarap nya para sa lahat.
  • Hindi na babalik ang dati. Walang gamot na makakapagbalik ng dati.
  • Kung ano yung meron ka ibinabahagi mo sa iba, kung ano yung kaya mo ginagawa mo.
  • Ba’t ka umaalalay sa matanda sa pagtawid sa kalsada? Kasi kaya mo. Ba’t mo pinupulot ang batang nadadapa? Kasi kaya mo. May lakas ka para itama ang mali, para tumulong sa mahihina.
  • Itigil mo ang ginagawa mo kung hindi ka masaya. Hindi ka yayaman dyan. Ni hindi mo yan makukuhanan ng pambayad ng kuryente. Hindi ka magkakaroon ng pagkakataon umibig at ibigin. Magliligtas ka ng mga di mo kaanu-ano, at makakasakit ka ng mga kadugo. Sabay mong lalabanan ang sariling kahinaan at iiwasan ang paglamon sa’yo ng sobrang kapangyarihan. Magmaskara ka man o hindi, huhusgahan ka ng mga tao. Hindi ka pasasalamatan ng trabaho mo, uulit-ulitin nya lang ang sarili nya.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ika-Anim na Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-anim na libro ni Bob Ong, ang MacArthur.
  • Mga bata pa kayo. Pag pinaniwalaan namin kayong hindi kayo naglaro ng tubig kahit na basang-basa ang mga damit niyo, kayo ang niloloko namin. Hindi kayo ang nakapanloko.
  • Di naman kailangan ng mga estudyante ang cellphone e.. +@n6 !n@, kayabangan lang yon! Ba't kailangan nila ng latest model? O, di ba para magyabang? Kung importante sa buhay ng tao ang teleponong may camera, dapat dati pa tayo lahat namatay!
  • Mangarap ka at abutin mo ito. wag mo sisihin ang sira mong pamilya, palpak mong syota, pilay mong tuta o mga lumilipad na ipis... kung may pagkukulang sayo ang magulang mo, pwede kang manisi at magrebelde, tumigil ka sa pag-aaral, mag drugs ka, magpakulay ng buhok sa kili-kili... sa bandang huli, ikaw din ang biktima... rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili.
  • Dalawang dekada ka lang mag-aaral. kung di mo pagtitiyagaan, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. sobrang lugi. kung alam lang yan ng mga kabataan sa pananaw ko ay wala ng gugustuhing umiwas sa eskwela.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ika-Limang Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-limang libro ni Bob Ong, ang Stainless Longganisa.
  • Ang bawat libro ay maliit na litrato ng utak ng tao.
  • Kung hindi mo babasahin ang mga libro mo, hindi talaga libro ang pag-aari mo kundi mga tinta at papel.
  • Hindi lahat nabibigyan ng boses sa papel. Kaya di dapat sayangin ang pribilehiyo na mailapat ang isip sa isang babasahin. Ipayakap mo ang buong papel sa sariling salita. Angkinin mo ang bawat sulok ng espasyo na ipinagkatiwala sayo.
  • Kung may genie na magbibigay katuparan sa lahat ng kahilingan mo pero hindi mo na pwedeng gawin ang isang bagay na pinakgusto mong ginagawa, papayag ka ba?
  • Nalaman kong kailangan pala talaga ng bayag para makapagsulat ka. Dahil sa pagsusulat, masasagi mo ang mga matatayog na egotismo ng ibang tao. Matatapakan mo ang mga lumpong paa ng kasalukuyang sistema. At maiistorbo mo ang siesta ng lipunang masaya na sa mga paniniwalang kinagisnan nito. Sa pagpahid ng utak mo sa papel, lahat yan babanggain mo. Kasabay ng pagbangga mo sa sariling mga takot, kamangmangan at egotismo. Hahadlangan ka ng sarili mong mga kakulangan, huhugashan ka ng mga mambabasa, hahatulan ka ng mga kritiko. Walang takbuhan, walang taguan, wala kang kawala.
  • Mas madaling manahimik. Mas ligtas magtago ng opinyon. mas kumportableng hindi magsalita. Pero may mga tao noon na hindi nakuntento sa mga “mas” na yan. Bilang kaparusahan, sinunog sila sa harap ng taong bayan, pinagbabato hanggang mamatay, isinabit nang patiwarik at hinati sa gitna, kinuryente, nilunod, pinugutan ng ulo, ipinalapa sa mga leon, binaril sa luneta at.. bahala na yung imagination mo sa iba. Pero anuman ang sinapit nila, isa lang ang naging resulta: mas nakilala natin ang mundo, buhay at mismong ang mga sarili natin.
  • Pag binisita ka ng idea, gana o inspirasyon, kailangan mong itigil LAHAT ng ginagawa mo para lang di masayang ang pagkakataon. Walang “sandali lang” o “teka muna”. Dahil pag lumagpas ang maikling panahong yon, kahit mag-umpog ka ng ulo sa pader mahihirapan ka nang maghabol.
  • Sino nga ba ang misteryoso: ang taong alam mo na ang talambuhay at takbo ng isip pero hindi ang pangalan, o ang taong alam mo ang mukha, tirahan, edad at pangalan pero bukod doon eh wala nang iba?
  • Paano nga ba masasabi kung buhay at may-isip pa ang isang tao o pinahihinga na lang ng makina? kung hindi ka na nakakapag-isip, kahit na may tibok pa ang puso mo - ikaw pa rin ba yon? Kung ipinanganak ka sa katawan ng isang taong di makarinig, makakita, makapagsalita at makagalaw - buhay ka na ba? At kung isang araw gumising ka na lang nang hindi mo alam ang pangalan mo at edad - sino ka???
  • Ang maganda sa pag-asa, hindi ito nakukuha sayo nang hindi mo gusto. Kampante pa nga ko ngayon na masyado nang nabulabog ang bansa. Sabi kasi nila kasunod na raw ng pinakamadilim na parte ng gabi ang pagbubukang-liwayway. Ang ipinag-aalala ko nga lang eh baka maubos at hindi na umabot ang katol na pangontra sa lamok ng mga tao sa mahabang magdamag.
  • Doon nabuo ang litanya ng mga kapalpakan ng Pilipinas pero binabanlawan din naman sa dulo ng mg positibo at interesanteng aspeto ng pagiging Pilipino. Bobong Pinoy. Kontrobersyal na pangalang humahamon sa lahat para pabulaanan.
  • Ano ang pinagkaiba ko sa mga unggoy bukod sa hindi ako kumakain ng kuto? Ano nga ba ang nangyari sa higit labinlimang taon ko sa eskwelahan? At ano nga kaya ang pagkakaiba kung hindi ako nag-grade 1?
  • Hindi mo rin naman kasi kailangang ayunan ng buong-buo ang bawat opinyong nababasa mo. Natuwa ka man o nainis, ang importante eh apektado ka.Tinubuan ka ng pakialam na dati ay wala.
  • Hindi ako naniniwalang kailangan ng tao mangarap dahil gusto n’ya ng pera, o gusto n’yang sumikat, o gusto n’ya ng impluwensya. Side effects na lang ang mga ‘to, sa tingin ko. Nangangarap ang tao dahil binigyan s’ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n’yang pagbutihin ang pagkatao n’ya at mag-ambag ng tulong sa mundo. At wala na s’yang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling yon.
  • Masama akong tao, tulad mo sa parehong paraan na mabuti kang tao tulad ko.
  • Ang kagandahan ng pagsusulat, ikaw mismo natututo sa mga totoo mong saloobin. At ano bang problema kung nag-iiba ang opinyon mo? Tao ka, tumatanda, natututo.
  • Lahat ng mga salitang yan may dating sayo. Sabi kasi ng isip mo.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ika-Apat na Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-apat libro ni Bob Ong, ang Alamat ng Gubat.
  • Ang pinakamainam na paraan para maging dukha ay ang maging matapat!
  • Hoy, wag kang mayabang! Hindi dahil sa wala kayong pagkakataong magnakaw, matapat na kayo!
  • Natural lamang na protektahan ko ang bunga ng pagod ko. Kaya ka lang naman matapang ay dahil sa wala namang mawawala sayo.
  • Nakakatamad magsalita. Nakakatamad manahimik
  • Ang kapangyarihan ay tatagal lang ng ilang taon - anim, sampu, dalawampu. Pero ang impluwensya, daangtaon.
  • Walang mangyayari sa buhay mo hangga't hindi ka tumitigil sa paninisi sa naging kapalaran mo.
  • Iba ang walang ginagawa sa gumagawa ng wala
  • Pero mas mabuting mabigo sa paggawa ng isang bagay kesa magtagumpay sa paggawa ng wala.
  • Paggawa na ba ng kabutihan ang hindi paggawa ng kasalanan?
  • Ang liit at laki ay nasa isip lang. Bakit kami nina Bubuyog at Gagamba, may naipundar din kami kahit papano. Nasa pagsisikap lang 'yan ng tao.
  • Hindi kailangang lahat ng gagawin natin ay para lang sa atin, dapat ay isinasaalang-alang rin natin ang mga susunod pang henerasyon.
  • Kailangan kong kumilos tungo sa pagbabago at kaunlaran.
  • Gusto mo ba talagang makialam sa natural na takbo ng buhay?
  • Babaguhin ko ang gubat. Gigisingin ko sa katotohanan ang mga hayop. Tuturuan ko sila ng wastong pamumuhay. Bibigyan ko sila ng matinong edukasyon at magandang trabaho.
  • Lumiwanag ng pagkaganda-ganda ang araw. Nagkaroon ng bahaghari sa kagubatan. At nabuhay ang lahat nang maligayang-maligaya... sa gubat!
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ikatlong Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ikatlong libro ni Bob Ong, ang Paboritong Libro ni Hudas.
  • Ganyan talaga ang mga tao, pipihit-pihitin ang katotohanan hanggang sa sumang-ayon na ito sa kumportableng posisyon ng mga makasarili nilang puso.
  • Kaya mo ba ngayong ilarawan sa isip mo kung anong klaseng lugar pwedeng maging ang mundo kung ang lahat ng tao ay nagmamahalan at walang makasarili?
  • May mga bagay daw sa mundo na tinanggap na lang natin bilang katotohanan kahit walang pruweba o paliwanag.
  • Parang eskwelahan din ang buhay e. Marami kang pag-aaralan, pero hindi naman lahat ‘yon e importante at kailangan mong matutunan.
  • Pero tanging ang utak lang ng tao - sa buong kalawakan - ang natatanging bagay na nagpipilit umintindi sa sarili niya.
  • Kung sa malalalim na tula nipapahayag ng mga kababaihan ang mga saloobin nila, sa mga lalake'y isang simbolo lang ang katapat.
  • Makakapagbago ka lang kung kaya mo nang aminin na hindi mo mapagkakatiwalaan ang sarili mong pag-iisip, dahil ito rin ang nagtutulak sa 'yo sa bisyo.
  • Pakiramdam ko e gusto n'ya 'kong maiyak sa tuwa dahil sa swerteng hatid n'ya sa aking panandaliang buhay dito sa mundo.
  • Gusto kong mag-apply sa knila ng trabaho..khit manlang bilang anino.
  • Di ko na nagagamit ang PC ko, ako na ang ginagamit niyasa ganitong pagkakataon
  • Hindi ka niya lalapitan nang wla syang kailangan..at hindi ka niya lulubayan nang hindi niya nakukuha ang gusto nia.
  • Walang imposible sa taong naniniwala
  • Hinanap mo ba ako.. o ang kawalan ko?
  • Hindi sa dahil sa hindi mo maintindihan ang isang bagay ay kasinungalingan naito. At hindi lahat ng kaya mong intindihin ay katotohanan.
  • Mas masarap kainin ang talangka, kesa alagaan.
  • Pero tanging ang utak lang ng tao - sa buong kalawakan - ang natatanging bagay na nagpipilit umintindi sa sarili niya.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Ikalawang Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ikalawang na libro ni Bob Ong, ang Bakit Baliktad Magbasa ang mga Pilipino.
  • Bakit ang Hong Kong at Singapore, hindi naman gaanong nabiyayaan ng likas na yaman pero maunlad? Bakit ang mga Hapon, bobo mag-English pero mayaman?
  • Sa Pilipinas kahit bawal magtinda sa sidewalk, may nagtitinda. Kahit bawal magtapon ng basura kung saan-saan, meron pa ring tapon ng tapon. Paano pa kaya uunlad ang bansa natin nyan?
  • Bakit nga ba ayaw matulog ng mga bata sa tanghali? Parang napakahirap na trabaho sa kanila ang matulog. Alam ba nilang pag natuto silang umibig e hindi sila makakatulog kahit gusto nila? Na maraming matanda ang bumibili pa ng gamot para lang makatulog? Na yung iba e lumalagpas sa bababaan nila dahil nakakatulog sila sa bus o jeep? Na marami ang nasesermonan sa trabaho dahil nagnanakaw ng tulog?
  • Handang ibigay ng mga Pilipino ang sala set (kahit di na umupo), aircon (kahit na pawisan), perfume (ano ngayon kung bumaho?), exercise machine (kung mataba e di mataba!), at hearing aid (ano 'ka mo?) magkaroon lang ng cellphone at textmate.
  • Makakita lang ng camera, nakakalimot na sa sarili. Tignan mo na lang nag mga tao sa balita sa TV, kahit nilapa na ng sunog o tinangay ng bagyo at baha ang bahay nila, kakaway at ngingiti pa rin sa camera...minsan nagtutulakan pa.
  • Kung hindi mo alam kung sino ka, paano mo maipagmamalaki ang sarili mo?
  • Ang Pilipino ay pilit na nakikibagay pag sya ang nasa ibang bansa. Hindi sya tina-tagalog ng mga Amerikano doon tulad ng pag-Ingles natin sa kanila dito.
  • Siguro kaya tayo mahiyain ay dahil alam natin kung ano ang nasa isip ng mga kapwa natin Pilipino. Alam natin kung mapapahiya tayo dahil ganoon din tayo manlait sa kapwa.
  • Walang masama kung gusto mong lisanin ang barkong sa tingin mo'y palubog na. Basta't wag mo na lang hahagisan ng anumang pabigat ang barko habang pinagsusumikapan itong isalba ng ibang tao.
  • Ayaw pag-usapan ng mga Pilipino ang sakit ng bansa...kaya tuloy mga taga-ibang bansa ang gumagawa nito para sa atin.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Bob Ong Kowts: Unang Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa unang libro na isinulat ni Bob Ong, ang ABNKKBSNPLAko?!
  • literate”. Kaya mong magbasa ng mga kasinugalingan sa dyaryo, ng mga subtitles sa foreign movies, at mga vandalism sa upuan ng bus gaya ng “Bobo ang bumasa nito!
  • Napakalaking pagkakamali ang kalimutan ang pangarap mo para lang makaiwas sa mga terror na teachers at mahihirap na subjects.
  • Hindi pala exam na may passing rate ang buhay. Huhusgahan ito hindi base sa kung tama o mali ang sagot, kundi base sa kung may kabuluhan ang mga naisulat o wala. Allowed ang erasures.
  • May sarili din akong barko. Obligasyon kong maglayag, karapatan kong pumunta sa kung saan ko gusto, responsibilidad ko ang buhay ko.
  • Marami palang libreng lecture sa mundo. Maraming teacher sa labas ng eskwelahan, desisiyon mo kung kanino ka magpapaturo.
  • Tama na sigurong malaman namin na lumalakad ang mga kamay ng relo at tumatakbo ang panahon.
  • Nalaman kong mahirap i-overnight ang project na dapat e isang buwan ginagawa.
  • Marami pa s’yang alam kesa sa nakasulat sa transcript of records n’ya, mas marami pa s’yang kayang gawin kesa sa nakalista sa resume n’ya at mas mataas ang halaga n’ya kesa sa nakasulat sa payslip n’ya tuwing sweldo.
  • Karapatan kong madapa at bumangon sa buhay nang walang tatawa, magagalit, magtatanong, o magbibilang kung ilang beses na ‘kong nagkamali at ilang ulit ako dapat bumawi.
  • Masuwerte ako dahil pinaglaro at pinag-aral ako ng mga magulang ko nung bata pa 'ko. Hindi pala lahat ng bata e ay dumadaan sa kamusmusan.
  • Ang mundo, sa totoong buhay, ay hindi 'yung makulay na murals na nakikita sa mga pre-school. Hindi ito laging may rainbow, araw , ibon, puno at mga bulaklak.
  • Sabi nila, sa kahit ano raw problema, isang tao lang ang makakatulong sa 'yo - Ang sarili mo. Tama sila.
  • Lumipas ang ilang sandali na parang habang panahon. Maya-maya, natapos din ang unos, nakaraos kami, natuyo, nakabalik ng bahay, at nakapasok pa ulit kinabukasan.
  • BKWLKMGW PRMSYTWK HHHMSYKNB TWPHHHHH OHLTMN PRKNTNg
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

Monday 30 January 2012

Hanapin ang Sagot sa Sariling Tanong

Hindi lahat ng intinuturo sa'yo, kailangan mong matutunan. Hindi rin lahat ng kailangan mong matutunan, ituturo sa'yo.

May punto ba ko? Minsan kasi di ko na maintindihan kung bakit may mga taong palatanong na wala sa lugar. Wala namang masama. May kasabihan nga na ang taong palatanong, matalino. Kaya lang, may mga taong pinaninindigan talaga ang kasabihang ito masabi lang na matalino sila.

May kilala ka ba? Yung mga taong nasa harap na nila yung sagot, magtatanong pa? Yung mga taong nagtatanong pero nasabi na rin nila mismo yung sagot sa tanong nila? At yung matapos mong magpaliwanag ng pagkahaba-haba, biglang magtatanong ng "bakit" o kaya naman "ano ulit"? Wala kang ibang magawa kundi ang bumuntong hininga na lang. Ang sakit sa bangs!

Kamakailan lang, nagpost ng status yung isa sa pinakamagaling naming reviewer para sa Nursing Licensure Examination. Masasabi kong isa siya sa mga bihasa sa larangan ng Pediatric Nursing. Eto yung sinabi nya:

"Ako ay Nurse, hindi Google. Guys, learn to research naman. Paano na kapag wala na kami. Hindi namin kayo tinuruan para maging dependent kayo sa amin for life. I appreciate that you trust my expertise, but there's a thin line that separates "curiousity" and "being lazy". After all, who would want a lazy colleague, right?

I mean, there's nothing wrong with it, in fact I really appreciate that you trust I will give the right answer. Kaya lang kasi, when you guys ask me unusual questions, especially online, what I do is to pull ol' trusty Google and search the answer for you. Feeling ko tuloy nagiging secretary ninyo ako, kasi pwede ninyo naman palang malaman ang sagot online, you just need to extend extra effort.

Go the extra mile for yourself, which you don't do since you always expect we will give you the right answers, right away. Iyan kasi ang iniiwasan kong mangyari, yung hindi na kayo matutong mag-isip. Madalas kasi you worry first before you seek for the right answers, which I think is not a competent attitude to become a Registered Nurse. Be mature enough. Just thinking aloud.

So for all of us, before bombarding us with questions, make sure you have exhausted already all your resources. Remember the rule, Independent Nursing Actions first before Dependent Nursing Actions. Makes sense, right?" -Bryan Alvin Bartolome Bautista, R.N., U.S.R.N., M.A.N

May masasabi pa ba ako? Parang lahat kasi nasabi na niya.
 Siguro naninigurado lang sila. Natatakot magkamali. Kinakabahan sa papalapit na resulta ng board exam. Pero di lang naman ito usapin para sa mga future registered nurses kundi sa lahat ng taong maraming katanungan sa isipan.

Alam mo bang may mga bagay din akong nais itanong tulad mo? Mga tanong na di maisatinig dahil alam kong walang makikinig. May makarinig man, alam kong walang sasagot.

Sa mundo kung saan abala ang mga tao, matuto ka sanang mag-isip at kumilos mag-isa. Hindi ka na bata. Ang mga tanong sa totoong buhay ay hindi mga takdang aralin na mga magulang natin ang sumasagot nung tayo ay nasa primary schools pa. Bago tayo magtanong, subukan muna nating alamin ang sagot sa sarili nating paraan. Hindi ba't mas madaling tandaan ang bagay na ikaw mismo ang nakaalam?

Humingi lamang ng tulong kung kinakailangan. Hindi dahil tinatamad. May mga pagkakataon talaga kung saan may mga magkasalungat na sagot sa iisang tanong. Dito mo kailangan ng aalalay para mas maliwanagan. Hindi ng alalay para mas magaanan.

Gamitin ang mga mata sa paghahanap, hindi ang bibig. Walang silbi ang paningin mo kung wala ka namang kakayanang makakita.

Tuesday 24 January 2012

Bad Influence?

Natuto kang umuwi ng late. Kung dati maaga kang umuuwi, ngayon umaga na.

Natuto kang uminom. Kung dati takot na takot kang dumaan sa may kanto kapag may nag-iinuman, ngayon nakikitagay ka pa sa kanila.

Natuto kang magyosi. Kung dati di ka na makahinga sa pagtakip ng ilong mo kapag may naninigarilyo, ngayon ikaw na mismo bumubuga ng usok sa katabi mo. Ginagawa mo pang bilog para astig.

Bad influence ba mga kaibigan mo?

Meron ka bang kaibigan na itatali yung paa mo para di ka makalakad pauwi ng bahay? Kaibigan na sapilitang ibubuka ang bibig mo pagkatapos ay isasalaksak yung bote ng alak? Kung meron, balikan mo ulit yung tanong. Ang sabi, kaibigan. Anong klaseng "kaibigan" ang hahayaang mapasama ang "kaibigan" nya?

At kung meron ka mang "kaibigan" na pwersahang ilalagay yung yosi sa bibig mo, desisyon mo kung hihithitin mo ang usok galing sa filter. Wag mong idahilan na mauubusan ka ng oxygen kung di mo gagawin. Alam mo ba na nung sanggol ka, sa ilong mo lang kayang huminga?

May karapatan kang humindi. May pagkakataon kang umayaw. May kakayanan kang tumalikod at tumakbo. Pero ginawa mo ba? Mas pinili mo ang sumunod. Dahil ginusto mo. Dahil trip mo. Dahil naniwala ka na lahat ng kaya mong gawin ay dapat mo na ring gawin.

Wag kang magmalinis. Wag kang magmagaling. Kung tutuusin, ikaw ang pumili ng gusto mong samahan at gawing kaibigan. Pinilit ka ba nila? At kung sakali mang ayain ka nilang kumain ng tae dahil yun ang libangan nila, kakain ka rin?

Nasa iyo ang desisyon kung makikinig ka. Diba ayaw mong napagsasabihan ng mga magulang mo? Kung sila na kabutihan mo lang naman ang iniisip nagagawa mong suwayin, bakit ang mga kaibigan mong walang bait sa sarili, sinusunod mo? Tapos sa bandang huli isisisi mo rin naman sa kanila ang mga kapalpakan sa pariwara mong buhay.

Ngayon, tatanungin ulit kita. Bad influence ba mga kaibigan mo?

Kung oo pa rin ang sagot mo, nakakaawa ka. Kasi di mo matanggap na ikaw mismo ang nagpakalulo sa sarili mo. Na ikaw mismo ang sumisira sa sarili mong kinabukasan. Kaya kailangan mong isisi sa ibang tao ang mga nangyayari sa iyo para linisin ang konsensya mo.

Hangga't hindi mo inaako ang responsibilidad mo sa iyong sarili, hinding-hindi mo maitatama ang buhay mo.

Friday 20 January 2012

Pinoy Street Foods Banat

Tara! HepaTrip tayo sa HepaLane!

HepaTrip – pagkain ng samu’t-saring street foods

HepaLane – isang kalyeng maraming sidewalk vendors na nagtitinda ng samu’t-saring street foods. Parang fastfood din. Pero sa labas ng mall at walang upuan.

Street food – wag kang pasosyal. Alam kong alam mo na ang ibig sabihin niyan.

Di na mawawala sa kultura nating mga Pinoy ang pagkain ng street foods na isa sa mga pangunahing hanap-buhay ng karamihan. Nandiyan ang betamax, adidas, helmet, isaw, atay, balun-balunan, bato at laman na lahat e mula sa manok. Meron pang banana que at camote que, palitaw at pichi-pichi, suman at biko, at ang puto at kutsinta. Nandiyan rin ang calamares with formaline. At kung may pambara, syempre dapat may panulak na sago’t gulaman at buko juice.

Mawawala ba naman sa listahan ang balut at penoy, tuknene at kwek-kwek, kikiam at ang di pahuhuling pishbol na noon pa man ay singkwenta sentimos na. Isama mo pa ang iskwidbols, tsikenbols at iba’t ibang pang uri ng bols ni manong na habang mainit ay malaki pero maliit at kulubot naman talaga.

Tulad mo, di rin nagkulang mga magulang ko na pagbawalan kaming magkakapatid sa pagkain nito. Sabi nga, masarap na, madumi pa. San ka pa?

At dahil masunurin kami nung bata, talagang di kami bumibili nun sa mga nakatambay na tindero’t tindera sa labas ng iskul. Pero pinapayagan naman kaming kumain nung mga nilalako tulad ng binatog, iskrambol at dirty ice cream. Kita mo na? Pangalan palang, siguradong malinis na.

Pero hindi ba’t street food din ang taho? Araw-araw pa kami binibilhan nito nung bata pa kami. Pag gising sa umaga, taho ang kasama. Sigurado raw kasi na malinis ito dahil sa maling paniniwala na di mabubuo ang taho kung madumi ito.

Gayunpaman, di naman por que sinabing pagkaing-kalye e madumi na agad. Depende pa rin iyon sa nagtitinda at mga kumakain. Nagtitinda, kung saan sila kumukuha o bumibili ng mga sangkap at kung paano nila ito inihahanda. At mga kumakain, dahil may mga sadya talagang balahura na pagkatapos isubo yung naka-stick na tulad ng kwek-kwek e ilulublob pa ulit sa sawsawan.

At di rin naman por que kumakain nito ay purita na at kung hindi naman kumakain e sozy na. Ewan ko ba pero parang ganyan na lang lagi pag-iisip ng iba.

Teka, ba’t puro “Pinoy street foods” lang naman nababasa mo? Nasaan na yung sinasabi sa pamagat na “banat”?

Tatlong buwan na ang nakakaraan mula ng sabihan ako ng kaibigan slash dating manliligaw sa chat ng:

Kaibigan: Para ka namang pishbol sis.
Ako: Bakit?
Kaibigan: Kasi lahat nagmamahal na, ikaw na lang ang hindi.
Ako: Aww.

Magtatatlong taon na kasi akong single (nung panahon na yun) at mag-aapat na ngayong taon. Pero kung banatan lang din naman ang usapan? Magpapahuli ba naman ako?
  • Para kang fishball, cheap mo kasi.
  • Para kang sauce ng sidewalk vendor, madami ng sumawsaw.
  • Para kang mumurahing siomai, puro taba!
  • Para kang isaw, full of shits.
  • Para kang street foods, masarap pero madumi. Baka magkasakit lang titikim sa’yo.
Bawal ang tamang hinala. Hindi yan para sa kaniya at mas lalong wala akong taong gustong sabihan n’yan. Ginawa ko lang para sa bestfriend ko na mahilig sa jokes. Nalilito na nga ‘ko minsan kung nasa peysbuk wall pa ba niya ko. Para na kasing jokesite.

Ikaw? Ano ang hilig mong street foods? May pick-up lines ka din ba para dito?

Babala: H’wag na h’wag gamitin ang limang pick-up lines na naka-bullet form kung ayaw masampal ng nililigawan o gustong ligawan. :D

Tuesday 17 January 2012

Sa Aking Paglisan

Sabi nila, kapag daw umalis ka na ng Pinas, hindi mo na gugustuhin pang bumalik. Kapag naranasan mo na ang magandang pamumuhay sa ibang bansa, tuluyan mo ng tatalikuran ang dati mong buhay.

Tunay ngang napakasarap ng buhay abroad. Madaling kumita ng pera basta masikap ka. Maraming trabaho. May pakialam sa'yo ang gobyerno. 'Yun ay kung hindi ka mamalasin at mapupunta sa kamay ng mga mapagsamantalang dayuhan. Pero iba pa rin 'pag nasa sarili mong tahanan.

Sa aking paglisan, mas lalo kong minahal ang sarili kong bayan. Higit kong naintindihan ang kaniyang mga pangangailangan. Kung tutuusin, ang mga ideyolohiyang mahalaga sa akin ngayon ay alam ko naman na noon pa. Ngunit hindi ko alam na dapat ko pala itong ipaglaban. Na hindi sapat na ako lang ang nakakaalam. Dapat alam rin ng iba.

Nang maranasan ko ang pamumuhay sa lupaing banyaga, nakita kong maigi ang mga kalakaran na dapat e meron din tayo. Na hindi pala lahat ng kinalakihan natin, tama. Na ang pamumuhay ng normal na mamamayan ay hindi naman 'normal'. Na hindi tayo dapat na makuntento sa kung anong sistema meron tayo.

Nami-miss ko lang ba ang buhay sa Pinas kaya ko nasasabi ang mga bagay na 'to o dahil hindi na 'ko teenager? O dahil tapos na ko sa kolehiyo? O dahil nagsisimula na kong tumanda at mas naiintindihan ko na ang buhay? Hindi ko alam.

Ang alam ko lang, mas may pakialam na ko ngayon. Na hindi na ko pwedeng magbulagbulagan sa mga kamalian at magbingi-bingihan sa daing ng aking mga kababayan. Na hindi na ko pwedeng manahimik na lang.

Gusto kong magsalita hindi para marinig ako. Gusto kong magsulat hindi para mabasa at mas makilala ako. Gusto kong tulungan ka at humingi ng tulong mo.Gusto kong magtulungan tayo. Para sa pagbabago.

Nagmamahal,
Ariane

Saturday 14 January 2012

Ibang-iba sa Pinas

Kalahating taon na ko ngayon dito sa England mula ng nag-stay ako for good. Tinapos ko pa kasi narsing sa Pinas noong nakaraang taon. Pero tuwing sembreak, nagpupunta na ko rito dati.

Sa simula, di ko ramdam ang pagkakaiba dito at sa bayan kong sinilangan. Syempre bakasyon lang naman lagi dati. Panahon para ipahinga ang isip sa nakakapagod na buhay narsing. Pero ngayon, unti-unti na kong nakararamdam ng homesickness. Ibang-iba kasi sa Pinas.

Sa Pinas, di mo kailangang magmadali palagi. Maari kang gumising at matulog anong oras mo man gustuhin.  Maraming panahon para maglibang. Uunahin mo pa ang paglalaro ng Tetris bago ang project na kadalasan mong ginagawa isang oras bago ang pasahan. Magaan ang pang-araw-araw na buhay. Chillax, sabi nga.

Kahit saan ka magpunta, siguradong may makakasalubong ka na kakilala. Maaari mong ayaing lumabas ang mga kaibigan mo ng biglaan. Kadalasan nga yung mga lakad na biglaan pa ang natutuloy.

May pagtutulungan ang bawat pamilya. Kahit tapos ka na sa pag-aaral, may allowance pa rin na natatanggap mula sa mga magulang habang walang mahanap na trabaho. Minsan nga kahit may asawa't anak ka na, sa kanila ka parin nakatira. At ultimong pambili ng sigarilyo mo ay sa kanila mo pa inaasa.

Mayroong pagbibigayan at pagtutulungan. Kapag may handaan, isa-isang hinahatiran ng pagkain ang mga kapitbahay. Maaari kang magpatulong sa mga tambay sa kanto kapag may dalang mabigat na bagay. San ka pa makakakita ng mga nakatagong magagandang pinggan at kubyertos na ginagamit lang kapag may bisita?

Higit sa lahat, masayahin ang mga tao. Kahit nga bumabagyo at lubog na sa baha, makikita mo padin ang mga nasalantang kumakaway at nakangiti sa ibabaw ng mga bubong nila. Hindi nakakalimuta ng mga tao ang tumawa kahit walang pera.

Pero ba’t andami paring Pinoy rito? Kasi malaki ang sweldo. Yung minumum wage para sa isang araw ay kaya mong kitain dito sa loob ng isa o kalahating oras lang. Madaming trabaho at merong pantay na karapatan ang mga aplikante. Kahit mataba, unano, o pilay, pwedeng magtrabaho. Di mo kailangang maging maganda/gwapo, sexy/macho o bata. Kahit sisenta ka na, ayos lang. Basta presentable at magaling, tanggap ka.

Marami nga dito na tuluyang nanirahan dahil siguro walang pader na naghihiwalay sa mga nakakababa sa nakatatas. Yung mga gawain ng mayayaman dito, pwede mo ring gawin bilang normal na mamamayan ng walang umaalipusta sa pagkatao mo. Maaari mong isama sa daily activities ang pag-inom ng kape sa Starbucks.

Libre ang health access, di mo kailangang pumila ng isang linggo sa mga pampublikong pagamutan para lang makita ng doktor. Yun nga lang, kailangan mong mag-antay sa araw ng appointment mo na ikaw din naman ang pipili. Maliban nalang kung emergency. Kaya walang dahilan para masingitan ka sa pila.

Di nakakatakot ang mga pulis. Wala silang dalang baril kundi panulat at papel. Kung gagawa ka ng katarantaduhan ng patago, expected mo na dapat ang violation letter na darating sa bahay mo kung saan nakalagay ang nilabag mong batas, oras, lugar at multa dahil naka-camera ang paligid. Walang kawala.

Pwede mong suutin ang damit na wala na sa latest fashion trends. Kahit lumabas ka pa ng bahay ng naka-underwear habang umuulan ng snow, walang kukutya sa'yo. Kanya-kanyang trip, walang basagan. Basta ba hindi ka nakakasakit at nakaka-istorbo ng iba, keribels.

May pa-ilan-ilan pa rin namang racist pero kung magiging biktima ka man, sigurado kang pakikinggan ng may kapangyarihan kahit wala kang "pampadulas".

Ang sarap siguro ng buhay ng mga Pinoy kung magiging ganito rin sistema ng bansa natin no?

Pero sabi nga, there's no place like home. Kahit numero uno sa listahan ng pinaka-corrupt na bansa sa Asia, mahal ko ang bayan ko. Babalik at babalik ako rito kahit pa sabihin ng ibang wala ng dapat pang balikan sa isang lugar na matagal ng napag-iwanan. Dahil ibang-iba sa Pinas. Ibang-iba talaga.

Thursday 12 January 2012

Panibagong Simula

Ngayon ang ika-dalawamput-isa kong kaarawan. (21 at 12th of January 2012. Cool.)

Tatlong buwan na ang nakakaraan mula ng gumawa ako ng account dito sa Blogger, ang With Love, Ariane. At tulad ng title, lahat ng entries, English. Pero kung tutuusin,di naman bago lahat ng nakasulat dun. Ang unang tatlumpu't dalawang entries ay mula sa pinakauna kong blog, sa Multiply.

2007 ako simulang mag-blog. 'Yun rin ang unang taon ko sa kolehiyo kaya kung babasahin mo ay tungkol lamang sa normal na kaisipan at nararamdaman ng isang teenager ang mga nakasulat dun. Eskwela, pakikipagkaibigan, at mga sermon ng magulang. Pero majority, lovelife. Mga ka-emo-han.

Ganun pala kahalaga sa akin ang pag-ibig noon. Yung tipong halos ikamatay ko na ang iwanan ng boyfriend. Na tila di ako kumpleto ng walang relasyon. Kaya nga siguro matumal na ngayon. Ewan ko ba, para bang nawalan na ko ng gana? Nagsawa na siguro akong puro 'yun at 'yun na lang ang sinasabi ko.

Kahit nga anong pilit kong sumulat ngayon ng tungkol sa pagmamahal, di ko na magawa. Wala akong maramdaman. Ni hindi ko na nga alam kung totoo pa 'yun. Ayoko na rin namang isipin. Palagay ko mas marami pa 'kong dapat unahin bago yun. Bata pa naman ako.

At saka, naisip ko, marami pa 'kong masasabi na may kinalaman sa lipunan. Sa sarili kong wika. Yung tipong 'pag binasa mo, may matututunan ka. Tulad ng ano? Basahin mo yung mga susunod na isusulat ko.

Nagmamahal,
Ariane

P.S.
May mga pagkakataon na nahihirapan akong sumulat sa sarili kong wika sa parehong pagkakataon na nahihirapan akong sumulat sa Ingles.

Wednesday 11 January 2012

Infertility and Homosexuality

Infertile people can’t marry says Catholic Church?

“What is there that comes from marrying them? Nothing! They are two, they remain two, they die two.” ~Archbishop Oscar Cruz, CBCP

Eto yung pamagat at paunang salita ng link na pinost sa facebook kanina lang ang kaibigan ko. Pamagat pa lang, uminit na ulo ko. Pa’no ba naman kasi suntok sa buwan ang diskriminasyon. Nung binasa ko, kumulo talaga dugo ko. Di ako makapaniwalang sasabihin ng Simbahang Katoliko yun.

Pinanood ko yung balita kahit alam kong mas lalo lang akong maiinis. Pero nalaman kong di naman pala mga “baog” ang tinutukoy sa balita. Tungkol pala iyon sa New Year address ni Pope Benedict XVI na tumutuligsa sa same sex marriage na ibinalita sa GMA News. Okey, isa na namang misleading article. Nakakag@g0.

Katoliko kaya sumulat nun? Di ko alam kung mali lang yung pagkakaintindi niya sa balitang malinaw pa sa sikat ng araw o kung sinadya nya talagang linlangin ang mga mambabasa. Di kaya siya nakakaintindi ng Tagalog? O di lang siya marunong magsalin sa Ingles? Maling-mali ang paggamit ng salitang “infertile” kapalit ng “homosexuals.”

Pero hayaan ninyong isatinig ko na rin ang aking saloobin ko tungkol sa same sex marriage.
Tulad ng ipinahihiwatig sa pangngalan, ito ay ang seremonya ng pag-iisang dibdib ng dalawang taong may parehong kasarian, babae sa babae at lalake sa lalake, na mismong dahilan kung bakit tutol dito ang Simbahang Katoliko sa paniniwalang ang babae ay ginawa ng Diyos para sa mga lalake at ang lalake ay ginawa para sa mga babae.

Pinagpapatibay ito ng mga public attorneys o government officials. Kumbaga, ginagawang legal ang kanilang pagsasama. Civil partnership ang tawag ng mga kanluranin dito kung saan tulad ng civil marriage (kasal sa huwes) ay kinikilala ng Saligang Batas ang karapatan at responsibilidad nila tulad ng mga pinag-isang dibdib ng relihiyosong organisasyon tulad ng simbahan.

Imoral. Makasalanan. Salot. Malas. Malaswa. Salaula. Mahalay.

Ano pang masasakit na salita ang ibabato sa dalawang tao na ang nais lamang ay magmahalan at magsama ng panghabang-buhay?

Alam kong maaari naman silang magsama, wag lang magpakasal. Live-in ba ang tawag dun? Hindi ba’t tinutuligsa rin naman iyon ng simbahan? Kesyo walang basbas nila. Kesyo labag sa kalooban ng Diyos.

Isa rin akong Katoliko at malaki ang respeto ko sa Simbahan at mga turo nito. Pero saan na lulugar ang mga homosexuals? Pinagdaanan na nila ang pagiging confused bago nila tanggapin sa kanilang sarili kung ano sila, wag naman na sana nating hayaang malito pa sila sa kung saan sila dapat.

Wala ba silang karapatang magmahal at mahalin? Wala ba silang karapatang mabuhay ng normal tulad ng heterosexuals?

Sources:

  1. Urban Meter - http://urbanmeter.weebly.com/36/post/2012/01/infertile-people-cant-marry-says-catholic-church.html
  2. GMA News - http://www.gmanetwork.com/news/video/105822/pope-benedict-xvi-tinuligsa-ang-same-sex-marriage-sa-kanyang-new-year-address