Sunday 16 November 2008

Kaibigan o Ka-ibigan?

Meron ka bang kaibigan? Kaibigan na masaya ka kapag nandiyan. Madalas mong katext, kachat, kausap, karamay at kasama. Halos di kayo mapaghiwalay. Tipong parang kayo na pero hindi naman. Maski nga iba niyong kaibigan wala nang ibang masabi kundi bagay kayo.

Gayunpaman, di mo naman hinahangad na maging kayo. Pero sa tuwing mag-isa ka, di mo mapigilang isipin siya at mangarap kung paano mabuhay ng kasama siya, na pagmamay-ari mo na siya.  Ayaw mo namang magtapat kasi baka layuan ka niya. At kahit na alam mong masasaktan ka lang kung ipagpapatuloy mo yang kahibangan mo, di mo naman mapigilan yung sarili mo na mahalin pa siya lalo, ng bonggang bongga.

At isang araw naisip mo nalang na baka mahal ka din niya. Kasi simula nang maging magkaibigan kayo, wala pa siyang nagiging kasintahan, wala ka rin naman siyang nababanggit na ibang taong mahal niya. Ang alam mo lang, parehas kayo ng mga hilig at ayaw niyang nakikita kang malungkot at umiiyak. Di mo namalayang pinaniwala mo na pala ang sarili mo na pareho kayo ng nararamdaman para sa isa't isa.

Ngunit isang araw, bigla na lang nalaman mo, iba pala nagpapatibok ng puso niya. At unti-unti, naramdaman mong hindi na siya tulad ng dati.

Ang sakit diba? Gusto mo siyang kausapin, itanong kung bakit niya ginawa yun sa’yo at piliting ikaw na lang ang mahalin niya. Hindi pa ba siya kuntento sa pagmamahal na binibigay mo? Matapos ng lahat, mauuwi rin lang pala sa wala. Gusto mo siyang sumbatan sa lahat ng ito pero wala kang ibang magawa kundi itago sa kaniya yung nararamdaman mo at umiyak mag-isa dahil nagmahal ka ng taong kaibigan lang ang tingin sa'yo.

Bakit? Sino nga ba kasing may sabi sa’yong umasa ka? Di naman niya hiniling na mahalin mo siya diba? Pero ginusto mo. Ipinakita nga ba niya sa’yong mahalaga ka sa kaniya o binigyan mo lang ng malisya ang pagiging mabait at malapit niya sa’yo? O sabihin man nating mahalaga ka sa kaniya, pero teka, nakalimutan mo atang iba ang ibig sabihin ng mahalaga sa mahal.

Sa kabila ng lahat, hindi mo maiwasang isipin pa rin siya at alalahanin ang mga bagay at petsa na namagitan sa inyong dalawa. At aminin mo, kahit na nasasaktan ka na ng sobra-sobra, umaasa ka pa rin na mamahalin ka niya diba?

Nagmamahal,
Ariane