Saturday 14 January 2012

Ibang-iba sa Pinas

Kalahating taon na ko ngayon dito sa England mula ng nag-stay ako for good. Tinapos ko pa kasi narsing sa Pinas noong nakaraang taon. Pero tuwing sembreak, nagpupunta na ko rito dati.

Sa simula, di ko ramdam ang pagkakaiba dito at sa bayan kong sinilangan. Syempre bakasyon lang naman lagi dati. Panahon para ipahinga ang isip sa nakakapagod na buhay narsing. Pero ngayon, unti-unti na kong nakararamdam ng homesickness. Ibang-iba kasi sa Pinas.

Sa Pinas, di mo kailangang magmadali palagi. Maari kang gumising at matulog anong oras mo man gustuhin.  Maraming panahon para maglibang. Uunahin mo pa ang paglalaro ng Tetris bago ang project na kadalasan mong ginagawa isang oras bago ang pasahan. Magaan ang pang-araw-araw na buhay. Chillax, sabi nga.

Kahit saan ka magpunta, siguradong may makakasalubong ka na kakilala. Maaari mong ayaing lumabas ang mga kaibigan mo ng biglaan. Kadalasan nga yung mga lakad na biglaan pa ang natutuloy.

May pagtutulungan ang bawat pamilya. Kahit tapos ka na sa pag-aaral, may allowance pa rin na natatanggap mula sa mga magulang habang walang mahanap na trabaho. Minsan nga kahit may asawa't anak ka na, sa kanila ka parin nakatira. At ultimong pambili ng sigarilyo mo ay sa kanila mo pa inaasa.

Mayroong pagbibigayan at pagtutulungan. Kapag may handaan, isa-isang hinahatiran ng pagkain ang mga kapitbahay. Maaari kang magpatulong sa mga tambay sa kanto kapag may dalang mabigat na bagay. San ka pa makakakita ng mga nakatagong magagandang pinggan at kubyertos na ginagamit lang kapag may bisita?

Higit sa lahat, masayahin ang mga tao. Kahit nga bumabagyo at lubog na sa baha, makikita mo padin ang mga nasalantang kumakaway at nakangiti sa ibabaw ng mga bubong nila. Hindi nakakalimuta ng mga tao ang tumawa kahit walang pera.

Pero ba’t andami paring Pinoy rito? Kasi malaki ang sweldo. Yung minumum wage para sa isang araw ay kaya mong kitain dito sa loob ng isa o kalahating oras lang. Madaming trabaho at merong pantay na karapatan ang mga aplikante. Kahit mataba, unano, o pilay, pwedeng magtrabaho. Di mo kailangang maging maganda/gwapo, sexy/macho o bata. Kahit sisenta ka na, ayos lang. Basta presentable at magaling, tanggap ka.

Marami nga dito na tuluyang nanirahan dahil siguro walang pader na naghihiwalay sa mga nakakababa sa nakatatas. Yung mga gawain ng mayayaman dito, pwede mo ring gawin bilang normal na mamamayan ng walang umaalipusta sa pagkatao mo. Maaari mong isama sa daily activities ang pag-inom ng kape sa Starbucks.

Libre ang health access, di mo kailangang pumila ng isang linggo sa mga pampublikong pagamutan para lang makita ng doktor. Yun nga lang, kailangan mong mag-antay sa araw ng appointment mo na ikaw din naman ang pipili. Maliban nalang kung emergency. Kaya walang dahilan para masingitan ka sa pila.

Di nakakatakot ang mga pulis. Wala silang dalang baril kundi panulat at papel. Kung gagawa ka ng katarantaduhan ng patago, expected mo na dapat ang violation letter na darating sa bahay mo kung saan nakalagay ang nilabag mong batas, oras, lugar at multa dahil naka-camera ang paligid. Walang kawala.

Pwede mong suutin ang damit na wala na sa latest fashion trends. Kahit lumabas ka pa ng bahay ng naka-underwear habang umuulan ng snow, walang kukutya sa'yo. Kanya-kanyang trip, walang basagan. Basta ba hindi ka nakakasakit at nakaka-istorbo ng iba, keribels.

May pa-ilan-ilan pa rin namang racist pero kung magiging biktima ka man, sigurado kang pakikinggan ng may kapangyarihan kahit wala kang "pampadulas".

Ang sarap siguro ng buhay ng mga Pinoy kung magiging ganito rin sistema ng bansa natin no?

Pero sabi nga, there's no place like home. Kahit numero uno sa listahan ng pinaka-corrupt na bansa sa Asia, mahal ko ang bayan ko. Babalik at babalik ako rito kahit pa sabihin ng ibang wala ng dapat pang balikan sa isang lugar na matagal ng napag-iwanan. Dahil ibang-iba sa Pinas. Ibang-iba talaga.

No comments:

Post a Comment