Tuesday 27 March 2012

Palimos Po

May nakita ka na bang matandang puti na ang lahat ng buhok na nagtitinda sa mga overpass? Matandang tila wala ng lakas sa kapayatan na naglalako ng sampaguita sa mga simbahan, palengke o kalsada? Matandang nakasalampak sa lupa, baluktot ang likod na may katabing lata?

Anong naramdaman mo? Nakaramdam ka ba ng awa at kirot sa iyong puso? Ano ang ginawa mo? Bumili ka ba ng itinitinda nila o nagbigay ng limos?

Kung oo ang sagot mo, marahil isa kang maka-lolo o makalola. O dumadaloy pa rin sa dugo mo ang pagiging isang tunay na Pilipinong may paggalang sa nakatatanda at kapwa kahit pa  hindi mo naman personal na kakilala.

Sabi ng mama ko, wag na wag daw naming kalimutang magbigay ng tulong sa tuwing makakakita ng ganun. Mas mabuti na kami ang nagbibigay kaysa binibigyan. Gayundin ay ang pagpapaalalang pangalagaan ang kung anong meron kami para sa hinaharap upang hindi matulad sa sinapit nila.

Pero dapat nga ba silang kaawaan? Hindi dapat, ang sabi ng professor ko noong nasa university pa 'ko. Siyempre natahimik kaming lahat sa klase. Tapos nagsimulang bumagsak isa-isa ang mga mukha at magbulungan. Lahat may violent reaction. Hindi namin inaasahan na manggagaling ang mga salitang iyon sa matalinong professor na iginagalang at tinitingala naming lahat at ng kapwa niya mga guro.

Ngunit bago pa man tuluyang mag-init ang malamig na klasrum, nagsimula na siyang magpaliwanag. Hindi sila dapat kaawaan dahil matatanda na sila. Dapat kaya na nila ang sarili nila. At para pagtibayan ang kaniyang sinabi, nagpatuloy siya sa pagsasabing, binigay na sa kanila ng Diyos ang lahat ng pagkakataon para pangalagaan at pagyamanin ang kung anong meron sila. Nabuhay sila ng ilang dekada nang hindi man lang naaayos ang buhay nila.

At mas lalong natahimik kaming lahat. May punto ba si prof? Sabi nga, hindi mo kasalanan kung pinanganak kang mahirap pero kasalanan mo kung mamamatay kang mahirap. Marami na tayong napanood, nabasa at narinig na kwento ng pakikibaka ng mga taong nagmula sa kahirapan pero pinilit makaahon at makarating sa rurok na kanilang kinalalagyan.

Kung babalikan ang nakaraan, marahil sila yung mga hindi nag-aral ng mabuti sa eskwela. O di kaya'y dating mga mayayaman na inubos ang lahat ng pera at karangyaan sa mga walang kabuluhang bagay. O maaari rin namang naging mahina lamang sila sa mga pinagdaanang pagsubok ng buhay kaya't tuluyang nasadlak sa putikan. O pwede rin namang biktima lamang sila ng pagkakataon. Isinilang ng mga magulang na walang sariling tahanan at maski mga sarili ay hindi kayang pakainin. Mga taong namamalimos rin at naiiraos lamang ang pang-araw-araw na buhay mula sa kaunting barya na tulong ng mga taong nakakasalubong nila sa daan.

Nakakaawa? Siguro nga. Gayunpaman, nararapat lamang na tulungan natin sila sa mga huling sandali ng buhay nila at gamitin ang mga kwento nila bilang paalala na hindi natin dapat aksayahin ang mga pagkakataon na ibinibigay sa atin ng kapalaran.

Nagmamahal,
Ariane

No comments:

Post a Comment