Tuesday 17 January 2012

Sa Aking Paglisan

Sabi nila, kapag daw umalis ka na ng Pinas, hindi mo na gugustuhin pang bumalik. Kapag naranasan mo na ang magandang pamumuhay sa ibang bansa, tuluyan mo ng tatalikuran ang dati mong buhay.

Tunay ngang napakasarap ng buhay abroad. Madaling kumita ng pera basta masikap ka. Maraming trabaho. May pakialam sa'yo ang gobyerno. 'Yun ay kung hindi ka mamalasin at mapupunta sa kamay ng mga mapagsamantalang dayuhan. Pero iba pa rin 'pag nasa sarili mong tahanan.

Sa aking paglisan, mas lalo kong minahal ang sarili kong bayan. Higit kong naintindihan ang kaniyang mga pangangailangan. Kung tutuusin, ang mga ideyolohiyang mahalaga sa akin ngayon ay alam ko naman na noon pa. Ngunit hindi ko alam na dapat ko pala itong ipaglaban. Na hindi sapat na ako lang ang nakakaalam. Dapat alam rin ng iba.

Nang maranasan ko ang pamumuhay sa lupaing banyaga, nakita kong maigi ang mga kalakaran na dapat e meron din tayo. Na hindi pala lahat ng kinalakihan natin, tama. Na ang pamumuhay ng normal na mamamayan ay hindi naman 'normal'. Na hindi tayo dapat na makuntento sa kung anong sistema meron tayo.

Nami-miss ko lang ba ang buhay sa Pinas kaya ko nasasabi ang mga bagay na 'to o dahil hindi na 'ko teenager? O dahil tapos na ko sa kolehiyo? O dahil nagsisimula na kong tumanda at mas naiintindihan ko na ang buhay? Hindi ko alam.

Ang alam ko lang, mas may pakialam na ko ngayon. Na hindi na ko pwedeng magbulagbulagan sa mga kamalian at magbingi-bingihan sa daing ng aking mga kababayan. Na hindi na ko pwedeng manahimik na lang.

Gusto kong magsalita hindi para marinig ako. Gusto kong magsulat hindi para mabasa at mas makilala ako. Gusto kong tulungan ka at humingi ng tulong mo.Gusto kong magtulungan tayo. Para sa pagbabago.

Nagmamahal,
Ariane

No comments:

Post a Comment