Wednesday 1 February 2012

Bob Ong Kowts: Ika-Limang Libro

Ito ay mga kowtable kowts mula sa ika-limang libro ni Bob Ong, ang Stainless Longganisa.
  • Ang bawat libro ay maliit na litrato ng utak ng tao.
  • Kung hindi mo babasahin ang mga libro mo, hindi talaga libro ang pag-aari mo kundi mga tinta at papel.
  • Hindi lahat nabibigyan ng boses sa papel. Kaya di dapat sayangin ang pribilehiyo na mailapat ang isip sa isang babasahin. Ipayakap mo ang buong papel sa sariling salita. Angkinin mo ang bawat sulok ng espasyo na ipinagkatiwala sayo.
  • Kung may genie na magbibigay katuparan sa lahat ng kahilingan mo pero hindi mo na pwedeng gawin ang isang bagay na pinakgusto mong ginagawa, papayag ka ba?
  • Nalaman kong kailangan pala talaga ng bayag para makapagsulat ka. Dahil sa pagsusulat, masasagi mo ang mga matatayog na egotismo ng ibang tao. Matatapakan mo ang mga lumpong paa ng kasalukuyang sistema. At maiistorbo mo ang siesta ng lipunang masaya na sa mga paniniwalang kinagisnan nito. Sa pagpahid ng utak mo sa papel, lahat yan babanggain mo. Kasabay ng pagbangga mo sa sariling mga takot, kamangmangan at egotismo. Hahadlangan ka ng sarili mong mga kakulangan, huhugashan ka ng mga mambabasa, hahatulan ka ng mga kritiko. Walang takbuhan, walang taguan, wala kang kawala.
  • Mas madaling manahimik. Mas ligtas magtago ng opinyon. mas kumportableng hindi magsalita. Pero may mga tao noon na hindi nakuntento sa mga “mas” na yan. Bilang kaparusahan, sinunog sila sa harap ng taong bayan, pinagbabato hanggang mamatay, isinabit nang patiwarik at hinati sa gitna, kinuryente, nilunod, pinugutan ng ulo, ipinalapa sa mga leon, binaril sa luneta at.. bahala na yung imagination mo sa iba. Pero anuman ang sinapit nila, isa lang ang naging resulta: mas nakilala natin ang mundo, buhay at mismong ang mga sarili natin.
  • Pag binisita ka ng idea, gana o inspirasyon, kailangan mong itigil LAHAT ng ginagawa mo para lang di masayang ang pagkakataon. Walang “sandali lang” o “teka muna”. Dahil pag lumagpas ang maikling panahong yon, kahit mag-umpog ka ng ulo sa pader mahihirapan ka nang maghabol.
  • Sino nga ba ang misteryoso: ang taong alam mo na ang talambuhay at takbo ng isip pero hindi ang pangalan, o ang taong alam mo ang mukha, tirahan, edad at pangalan pero bukod doon eh wala nang iba?
  • Paano nga ba masasabi kung buhay at may-isip pa ang isang tao o pinahihinga na lang ng makina? kung hindi ka na nakakapag-isip, kahit na may tibok pa ang puso mo - ikaw pa rin ba yon? Kung ipinanganak ka sa katawan ng isang taong di makarinig, makakita, makapagsalita at makagalaw - buhay ka na ba? At kung isang araw gumising ka na lang nang hindi mo alam ang pangalan mo at edad - sino ka???
  • Ang maganda sa pag-asa, hindi ito nakukuha sayo nang hindi mo gusto. Kampante pa nga ko ngayon na masyado nang nabulabog ang bansa. Sabi kasi nila kasunod na raw ng pinakamadilim na parte ng gabi ang pagbubukang-liwayway. Ang ipinag-aalala ko nga lang eh baka maubos at hindi na umabot ang katol na pangontra sa lamok ng mga tao sa mahabang magdamag.
  • Doon nabuo ang litanya ng mga kapalpakan ng Pilipinas pero binabanlawan din naman sa dulo ng mg positibo at interesanteng aspeto ng pagiging Pilipino. Bobong Pinoy. Kontrobersyal na pangalang humahamon sa lahat para pabulaanan.
  • Ano ang pinagkaiba ko sa mga unggoy bukod sa hindi ako kumakain ng kuto? Ano nga ba ang nangyari sa higit labinlimang taon ko sa eskwelahan? At ano nga kaya ang pagkakaiba kung hindi ako nag-grade 1?
  • Hindi mo rin naman kasi kailangang ayunan ng buong-buo ang bawat opinyong nababasa mo. Natuwa ka man o nainis, ang importante eh apektado ka.Tinubuan ka ng pakialam na dati ay wala.
  • Hindi ako naniniwalang kailangan ng tao mangarap dahil gusto n’ya ng pera, o gusto n’yang sumikat, o gusto n’ya ng impluwensya. Side effects na lang ang mga ‘to, sa tingin ko. Nangangarap ang tao dahil binigyan s’ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n’yang pagbutihin ang pagkatao n’ya at mag-ambag ng tulong sa mundo. At wala na s’yang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling yon.
  • Masama akong tao, tulad mo sa parehong paraan na mabuti kang tao tulad ko.
  • Ang kagandahan ng pagsusulat, ikaw mismo natututo sa mga totoo mong saloobin. At ano bang problema kung nag-iiba ang opinyon mo? Tao ka, tumatanda, natututo.
  • Lahat ng mga salitang yan may dating sayo. Sabi kasi ng isip mo.
Marami pa 'yan. Pero ayoko namang isulat ang buong libro dito sa blog ko. Haha. At kung hindi mo pa kilala si Bob Ong, okey lang yan. Maski ako hindi ko pa rin siya "kilala". Walang nakakakilala sa kaniya. Kung meron man, hindi rin naman nila balak pang ipakilala siya. Basahin mo nalang mga libro niya. Sigurado, magugustuhan mo, basta open-minded ka.

Nagmamahal,
Ariane

No comments:

Post a Comment