Friday 20 January 2012

Pinoy Street Foods Banat

Tara! HepaTrip tayo sa HepaLane!

HepaTrip – pagkain ng samu’t-saring street foods

HepaLane – isang kalyeng maraming sidewalk vendors na nagtitinda ng samu’t-saring street foods. Parang fastfood din. Pero sa labas ng mall at walang upuan.

Street food – wag kang pasosyal. Alam kong alam mo na ang ibig sabihin niyan.

Di na mawawala sa kultura nating mga Pinoy ang pagkain ng street foods na isa sa mga pangunahing hanap-buhay ng karamihan. Nandiyan ang betamax, adidas, helmet, isaw, atay, balun-balunan, bato at laman na lahat e mula sa manok. Meron pang banana que at camote que, palitaw at pichi-pichi, suman at biko, at ang puto at kutsinta. Nandiyan rin ang calamares with formaline. At kung may pambara, syempre dapat may panulak na sago’t gulaman at buko juice.

Mawawala ba naman sa listahan ang balut at penoy, tuknene at kwek-kwek, kikiam at ang di pahuhuling pishbol na noon pa man ay singkwenta sentimos na. Isama mo pa ang iskwidbols, tsikenbols at iba’t ibang pang uri ng bols ni manong na habang mainit ay malaki pero maliit at kulubot naman talaga.

Tulad mo, di rin nagkulang mga magulang ko na pagbawalan kaming magkakapatid sa pagkain nito. Sabi nga, masarap na, madumi pa. San ka pa?

At dahil masunurin kami nung bata, talagang di kami bumibili nun sa mga nakatambay na tindero’t tindera sa labas ng iskul. Pero pinapayagan naman kaming kumain nung mga nilalako tulad ng binatog, iskrambol at dirty ice cream. Kita mo na? Pangalan palang, siguradong malinis na.

Pero hindi ba’t street food din ang taho? Araw-araw pa kami binibilhan nito nung bata pa kami. Pag gising sa umaga, taho ang kasama. Sigurado raw kasi na malinis ito dahil sa maling paniniwala na di mabubuo ang taho kung madumi ito.

Gayunpaman, di naman por que sinabing pagkaing-kalye e madumi na agad. Depende pa rin iyon sa nagtitinda at mga kumakain. Nagtitinda, kung saan sila kumukuha o bumibili ng mga sangkap at kung paano nila ito inihahanda. At mga kumakain, dahil may mga sadya talagang balahura na pagkatapos isubo yung naka-stick na tulad ng kwek-kwek e ilulublob pa ulit sa sawsawan.

At di rin naman por que kumakain nito ay purita na at kung hindi naman kumakain e sozy na. Ewan ko ba pero parang ganyan na lang lagi pag-iisip ng iba.

Teka, ba’t puro “Pinoy street foods” lang naman nababasa mo? Nasaan na yung sinasabi sa pamagat na “banat”?

Tatlong buwan na ang nakakaraan mula ng sabihan ako ng kaibigan slash dating manliligaw sa chat ng:

Kaibigan: Para ka namang pishbol sis.
Ako: Bakit?
Kaibigan: Kasi lahat nagmamahal na, ikaw na lang ang hindi.
Ako: Aww.

Magtatatlong taon na kasi akong single (nung panahon na yun) at mag-aapat na ngayong taon. Pero kung banatan lang din naman ang usapan? Magpapahuli ba naman ako?
  • Para kang fishball, cheap mo kasi.
  • Para kang sauce ng sidewalk vendor, madami ng sumawsaw.
  • Para kang mumurahing siomai, puro taba!
  • Para kang isaw, full of shits.
  • Para kang street foods, masarap pero madumi. Baka magkasakit lang titikim sa’yo.
Bawal ang tamang hinala. Hindi yan para sa kaniya at mas lalong wala akong taong gustong sabihan n’yan. Ginawa ko lang para sa bestfriend ko na mahilig sa jokes. Nalilito na nga ‘ko minsan kung nasa peysbuk wall pa ba niya ko. Para na kasing jokesite.

Ikaw? Ano ang hilig mong street foods? May pick-up lines ka din ba para dito?

Babala: H’wag na h’wag gamitin ang limang pick-up lines na naka-bullet form kung ayaw masampal ng nililigawan o gustong ligawan. :D

No comments:

Post a Comment