Monday 30 January 2012

Hanapin ang Sagot sa Sariling Tanong

Hindi lahat ng intinuturo sa'yo, kailangan mong matutunan. Hindi rin lahat ng kailangan mong matutunan, ituturo sa'yo.

May punto ba ko? Minsan kasi di ko na maintindihan kung bakit may mga taong palatanong na wala sa lugar. Wala namang masama. May kasabihan nga na ang taong palatanong, matalino. Kaya lang, may mga taong pinaninindigan talaga ang kasabihang ito masabi lang na matalino sila.

May kilala ka ba? Yung mga taong nasa harap na nila yung sagot, magtatanong pa? Yung mga taong nagtatanong pero nasabi na rin nila mismo yung sagot sa tanong nila? At yung matapos mong magpaliwanag ng pagkahaba-haba, biglang magtatanong ng "bakit" o kaya naman "ano ulit"? Wala kang ibang magawa kundi ang bumuntong hininga na lang. Ang sakit sa bangs!

Kamakailan lang, nagpost ng status yung isa sa pinakamagaling naming reviewer para sa Nursing Licensure Examination. Masasabi kong isa siya sa mga bihasa sa larangan ng Pediatric Nursing. Eto yung sinabi nya:

"Ako ay Nurse, hindi Google. Guys, learn to research naman. Paano na kapag wala na kami. Hindi namin kayo tinuruan para maging dependent kayo sa amin for life. I appreciate that you trust my expertise, but there's a thin line that separates "curiousity" and "being lazy". After all, who would want a lazy colleague, right?

I mean, there's nothing wrong with it, in fact I really appreciate that you trust I will give the right answer. Kaya lang kasi, when you guys ask me unusual questions, especially online, what I do is to pull ol' trusty Google and search the answer for you. Feeling ko tuloy nagiging secretary ninyo ako, kasi pwede ninyo naman palang malaman ang sagot online, you just need to extend extra effort.

Go the extra mile for yourself, which you don't do since you always expect we will give you the right answers, right away. Iyan kasi ang iniiwasan kong mangyari, yung hindi na kayo matutong mag-isip. Madalas kasi you worry first before you seek for the right answers, which I think is not a competent attitude to become a Registered Nurse. Be mature enough. Just thinking aloud.

So for all of us, before bombarding us with questions, make sure you have exhausted already all your resources. Remember the rule, Independent Nursing Actions first before Dependent Nursing Actions. Makes sense, right?" -Bryan Alvin Bartolome Bautista, R.N., U.S.R.N., M.A.N

May masasabi pa ba ako? Parang lahat kasi nasabi na niya.
 Siguro naninigurado lang sila. Natatakot magkamali. Kinakabahan sa papalapit na resulta ng board exam. Pero di lang naman ito usapin para sa mga future registered nurses kundi sa lahat ng taong maraming katanungan sa isipan.

Alam mo bang may mga bagay din akong nais itanong tulad mo? Mga tanong na di maisatinig dahil alam kong walang makikinig. May makarinig man, alam kong walang sasagot.

Sa mundo kung saan abala ang mga tao, matuto ka sanang mag-isip at kumilos mag-isa. Hindi ka na bata. Ang mga tanong sa totoong buhay ay hindi mga takdang aralin na mga magulang natin ang sumasagot nung tayo ay nasa primary schools pa. Bago tayo magtanong, subukan muna nating alamin ang sagot sa sarili nating paraan. Hindi ba't mas madaling tandaan ang bagay na ikaw mismo ang nakaalam?

Humingi lamang ng tulong kung kinakailangan. Hindi dahil tinatamad. May mga pagkakataon talaga kung saan may mga magkasalungat na sagot sa iisang tanong. Dito mo kailangan ng aalalay para mas maliwanagan. Hindi ng alalay para mas magaanan.

Gamitin ang mga mata sa paghahanap, hindi ang bibig. Walang silbi ang paningin mo kung wala ka namang kakayanang makakita.

Tuesday 24 January 2012

Bad Influence?

Natuto kang umuwi ng late. Kung dati maaga kang umuuwi, ngayon umaga na.

Natuto kang uminom. Kung dati takot na takot kang dumaan sa may kanto kapag may nag-iinuman, ngayon nakikitagay ka pa sa kanila.

Natuto kang magyosi. Kung dati di ka na makahinga sa pagtakip ng ilong mo kapag may naninigarilyo, ngayon ikaw na mismo bumubuga ng usok sa katabi mo. Ginagawa mo pang bilog para astig.

Bad influence ba mga kaibigan mo?

Meron ka bang kaibigan na itatali yung paa mo para di ka makalakad pauwi ng bahay? Kaibigan na sapilitang ibubuka ang bibig mo pagkatapos ay isasalaksak yung bote ng alak? Kung meron, balikan mo ulit yung tanong. Ang sabi, kaibigan. Anong klaseng "kaibigan" ang hahayaang mapasama ang "kaibigan" nya?

At kung meron ka mang "kaibigan" na pwersahang ilalagay yung yosi sa bibig mo, desisyon mo kung hihithitin mo ang usok galing sa filter. Wag mong idahilan na mauubusan ka ng oxygen kung di mo gagawin. Alam mo ba na nung sanggol ka, sa ilong mo lang kayang huminga?

May karapatan kang humindi. May pagkakataon kang umayaw. May kakayanan kang tumalikod at tumakbo. Pero ginawa mo ba? Mas pinili mo ang sumunod. Dahil ginusto mo. Dahil trip mo. Dahil naniwala ka na lahat ng kaya mong gawin ay dapat mo na ring gawin.

Wag kang magmalinis. Wag kang magmagaling. Kung tutuusin, ikaw ang pumili ng gusto mong samahan at gawing kaibigan. Pinilit ka ba nila? At kung sakali mang ayain ka nilang kumain ng tae dahil yun ang libangan nila, kakain ka rin?

Nasa iyo ang desisyon kung makikinig ka. Diba ayaw mong napagsasabihan ng mga magulang mo? Kung sila na kabutihan mo lang naman ang iniisip nagagawa mong suwayin, bakit ang mga kaibigan mong walang bait sa sarili, sinusunod mo? Tapos sa bandang huli isisisi mo rin naman sa kanila ang mga kapalpakan sa pariwara mong buhay.

Ngayon, tatanungin ulit kita. Bad influence ba mga kaibigan mo?

Kung oo pa rin ang sagot mo, nakakaawa ka. Kasi di mo matanggap na ikaw mismo ang nagpakalulo sa sarili mo. Na ikaw mismo ang sumisira sa sarili mong kinabukasan. Kaya kailangan mong isisi sa ibang tao ang mga nangyayari sa iyo para linisin ang konsensya mo.

Hangga't hindi mo inaako ang responsibilidad mo sa iyong sarili, hinding-hindi mo maitatama ang buhay mo.

Friday 20 January 2012

Pinoy Street Foods Banat

Tara! HepaTrip tayo sa HepaLane!

HepaTrip – pagkain ng samu’t-saring street foods

HepaLane – isang kalyeng maraming sidewalk vendors na nagtitinda ng samu’t-saring street foods. Parang fastfood din. Pero sa labas ng mall at walang upuan.

Street food – wag kang pasosyal. Alam kong alam mo na ang ibig sabihin niyan.

Di na mawawala sa kultura nating mga Pinoy ang pagkain ng street foods na isa sa mga pangunahing hanap-buhay ng karamihan. Nandiyan ang betamax, adidas, helmet, isaw, atay, balun-balunan, bato at laman na lahat e mula sa manok. Meron pang banana que at camote que, palitaw at pichi-pichi, suman at biko, at ang puto at kutsinta. Nandiyan rin ang calamares with formaline. At kung may pambara, syempre dapat may panulak na sago’t gulaman at buko juice.

Mawawala ba naman sa listahan ang balut at penoy, tuknene at kwek-kwek, kikiam at ang di pahuhuling pishbol na noon pa man ay singkwenta sentimos na. Isama mo pa ang iskwidbols, tsikenbols at iba’t ibang pang uri ng bols ni manong na habang mainit ay malaki pero maliit at kulubot naman talaga.

Tulad mo, di rin nagkulang mga magulang ko na pagbawalan kaming magkakapatid sa pagkain nito. Sabi nga, masarap na, madumi pa. San ka pa?

At dahil masunurin kami nung bata, talagang di kami bumibili nun sa mga nakatambay na tindero’t tindera sa labas ng iskul. Pero pinapayagan naman kaming kumain nung mga nilalako tulad ng binatog, iskrambol at dirty ice cream. Kita mo na? Pangalan palang, siguradong malinis na.

Pero hindi ba’t street food din ang taho? Araw-araw pa kami binibilhan nito nung bata pa kami. Pag gising sa umaga, taho ang kasama. Sigurado raw kasi na malinis ito dahil sa maling paniniwala na di mabubuo ang taho kung madumi ito.

Gayunpaman, di naman por que sinabing pagkaing-kalye e madumi na agad. Depende pa rin iyon sa nagtitinda at mga kumakain. Nagtitinda, kung saan sila kumukuha o bumibili ng mga sangkap at kung paano nila ito inihahanda. At mga kumakain, dahil may mga sadya talagang balahura na pagkatapos isubo yung naka-stick na tulad ng kwek-kwek e ilulublob pa ulit sa sawsawan.

At di rin naman por que kumakain nito ay purita na at kung hindi naman kumakain e sozy na. Ewan ko ba pero parang ganyan na lang lagi pag-iisip ng iba.

Teka, ba’t puro “Pinoy street foods” lang naman nababasa mo? Nasaan na yung sinasabi sa pamagat na “banat”?

Tatlong buwan na ang nakakaraan mula ng sabihan ako ng kaibigan slash dating manliligaw sa chat ng:

Kaibigan: Para ka namang pishbol sis.
Ako: Bakit?
Kaibigan: Kasi lahat nagmamahal na, ikaw na lang ang hindi.
Ako: Aww.

Magtatatlong taon na kasi akong single (nung panahon na yun) at mag-aapat na ngayong taon. Pero kung banatan lang din naman ang usapan? Magpapahuli ba naman ako?
  • Para kang fishball, cheap mo kasi.
  • Para kang sauce ng sidewalk vendor, madami ng sumawsaw.
  • Para kang mumurahing siomai, puro taba!
  • Para kang isaw, full of shits.
  • Para kang street foods, masarap pero madumi. Baka magkasakit lang titikim sa’yo.
Bawal ang tamang hinala. Hindi yan para sa kaniya at mas lalong wala akong taong gustong sabihan n’yan. Ginawa ko lang para sa bestfriend ko na mahilig sa jokes. Nalilito na nga ‘ko minsan kung nasa peysbuk wall pa ba niya ko. Para na kasing jokesite.

Ikaw? Ano ang hilig mong street foods? May pick-up lines ka din ba para dito?

Babala: H’wag na h’wag gamitin ang limang pick-up lines na naka-bullet form kung ayaw masampal ng nililigawan o gustong ligawan. :D

Tuesday 17 January 2012

Sa Aking Paglisan

Sabi nila, kapag daw umalis ka na ng Pinas, hindi mo na gugustuhin pang bumalik. Kapag naranasan mo na ang magandang pamumuhay sa ibang bansa, tuluyan mo ng tatalikuran ang dati mong buhay.

Tunay ngang napakasarap ng buhay abroad. Madaling kumita ng pera basta masikap ka. Maraming trabaho. May pakialam sa'yo ang gobyerno. 'Yun ay kung hindi ka mamalasin at mapupunta sa kamay ng mga mapagsamantalang dayuhan. Pero iba pa rin 'pag nasa sarili mong tahanan.

Sa aking paglisan, mas lalo kong minahal ang sarili kong bayan. Higit kong naintindihan ang kaniyang mga pangangailangan. Kung tutuusin, ang mga ideyolohiyang mahalaga sa akin ngayon ay alam ko naman na noon pa. Ngunit hindi ko alam na dapat ko pala itong ipaglaban. Na hindi sapat na ako lang ang nakakaalam. Dapat alam rin ng iba.

Nang maranasan ko ang pamumuhay sa lupaing banyaga, nakita kong maigi ang mga kalakaran na dapat e meron din tayo. Na hindi pala lahat ng kinalakihan natin, tama. Na ang pamumuhay ng normal na mamamayan ay hindi naman 'normal'. Na hindi tayo dapat na makuntento sa kung anong sistema meron tayo.

Nami-miss ko lang ba ang buhay sa Pinas kaya ko nasasabi ang mga bagay na 'to o dahil hindi na 'ko teenager? O dahil tapos na ko sa kolehiyo? O dahil nagsisimula na kong tumanda at mas naiintindihan ko na ang buhay? Hindi ko alam.

Ang alam ko lang, mas may pakialam na ko ngayon. Na hindi na ko pwedeng magbulagbulagan sa mga kamalian at magbingi-bingihan sa daing ng aking mga kababayan. Na hindi na ko pwedeng manahimik na lang.

Gusto kong magsalita hindi para marinig ako. Gusto kong magsulat hindi para mabasa at mas makilala ako. Gusto kong tulungan ka at humingi ng tulong mo.Gusto kong magtulungan tayo. Para sa pagbabago.

Nagmamahal,
Ariane

Saturday 14 January 2012

Ibang-iba sa Pinas

Kalahating taon na ko ngayon dito sa England mula ng nag-stay ako for good. Tinapos ko pa kasi narsing sa Pinas noong nakaraang taon. Pero tuwing sembreak, nagpupunta na ko rito dati.

Sa simula, di ko ramdam ang pagkakaiba dito at sa bayan kong sinilangan. Syempre bakasyon lang naman lagi dati. Panahon para ipahinga ang isip sa nakakapagod na buhay narsing. Pero ngayon, unti-unti na kong nakararamdam ng homesickness. Ibang-iba kasi sa Pinas.

Sa Pinas, di mo kailangang magmadali palagi. Maari kang gumising at matulog anong oras mo man gustuhin.  Maraming panahon para maglibang. Uunahin mo pa ang paglalaro ng Tetris bago ang project na kadalasan mong ginagawa isang oras bago ang pasahan. Magaan ang pang-araw-araw na buhay. Chillax, sabi nga.

Kahit saan ka magpunta, siguradong may makakasalubong ka na kakilala. Maaari mong ayaing lumabas ang mga kaibigan mo ng biglaan. Kadalasan nga yung mga lakad na biglaan pa ang natutuloy.

May pagtutulungan ang bawat pamilya. Kahit tapos ka na sa pag-aaral, may allowance pa rin na natatanggap mula sa mga magulang habang walang mahanap na trabaho. Minsan nga kahit may asawa't anak ka na, sa kanila ka parin nakatira. At ultimong pambili ng sigarilyo mo ay sa kanila mo pa inaasa.

Mayroong pagbibigayan at pagtutulungan. Kapag may handaan, isa-isang hinahatiran ng pagkain ang mga kapitbahay. Maaari kang magpatulong sa mga tambay sa kanto kapag may dalang mabigat na bagay. San ka pa makakakita ng mga nakatagong magagandang pinggan at kubyertos na ginagamit lang kapag may bisita?

Higit sa lahat, masayahin ang mga tao. Kahit nga bumabagyo at lubog na sa baha, makikita mo padin ang mga nasalantang kumakaway at nakangiti sa ibabaw ng mga bubong nila. Hindi nakakalimuta ng mga tao ang tumawa kahit walang pera.

Pero ba’t andami paring Pinoy rito? Kasi malaki ang sweldo. Yung minumum wage para sa isang araw ay kaya mong kitain dito sa loob ng isa o kalahating oras lang. Madaming trabaho at merong pantay na karapatan ang mga aplikante. Kahit mataba, unano, o pilay, pwedeng magtrabaho. Di mo kailangang maging maganda/gwapo, sexy/macho o bata. Kahit sisenta ka na, ayos lang. Basta presentable at magaling, tanggap ka.

Marami nga dito na tuluyang nanirahan dahil siguro walang pader na naghihiwalay sa mga nakakababa sa nakatatas. Yung mga gawain ng mayayaman dito, pwede mo ring gawin bilang normal na mamamayan ng walang umaalipusta sa pagkatao mo. Maaari mong isama sa daily activities ang pag-inom ng kape sa Starbucks.

Libre ang health access, di mo kailangang pumila ng isang linggo sa mga pampublikong pagamutan para lang makita ng doktor. Yun nga lang, kailangan mong mag-antay sa araw ng appointment mo na ikaw din naman ang pipili. Maliban nalang kung emergency. Kaya walang dahilan para masingitan ka sa pila.

Di nakakatakot ang mga pulis. Wala silang dalang baril kundi panulat at papel. Kung gagawa ka ng katarantaduhan ng patago, expected mo na dapat ang violation letter na darating sa bahay mo kung saan nakalagay ang nilabag mong batas, oras, lugar at multa dahil naka-camera ang paligid. Walang kawala.

Pwede mong suutin ang damit na wala na sa latest fashion trends. Kahit lumabas ka pa ng bahay ng naka-underwear habang umuulan ng snow, walang kukutya sa'yo. Kanya-kanyang trip, walang basagan. Basta ba hindi ka nakakasakit at nakaka-istorbo ng iba, keribels.

May pa-ilan-ilan pa rin namang racist pero kung magiging biktima ka man, sigurado kang pakikinggan ng may kapangyarihan kahit wala kang "pampadulas".

Ang sarap siguro ng buhay ng mga Pinoy kung magiging ganito rin sistema ng bansa natin no?

Pero sabi nga, there's no place like home. Kahit numero uno sa listahan ng pinaka-corrupt na bansa sa Asia, mahal ko ang bayan ko. Babalik at babalik ako rito kahit pa sabihin ng ibang wala ng dapat pang balikan sa isang lugar na matagal ng napag-iwanan. Dahil ibang-iba sa Pinas. Ibang-iba talaga.

Thursday 12 January 2012

Panibagong Simula

Ngayon ang ika-dalawamput-isa kong kaarawan. (21 at 12th of January 2012. Cool.)

Tatlong buwan na ang nakakaraan mula ng gumawa ako ng account dito sa Blogger, ang With Love, Ariane. At tulad ng title, lahat ng entries, English. Pero kung tutuusin,di naman bago lahat ng nakasulat dun. Ang unang tatlumpu't dalawang entries ay mula sa pinakauna kong blog, sa Multiply.

2007 ako simulang mag-blog. 'Yun rin ang unang taon ko sa kolehiyo kaya kung babasahin mo ay tungkol lamang sa normal na kaisipan at nararamdaman ng isang teenager ang mga nakasulat dun. Eskwela, pakikipagkaibigan, at mga sermon ng magulang. Pero majority, lovelife. Mga ka-emo-han.

Ganun pala kahalaga sa akin ang pag-ibig noon. Yung tipong halos ikamatay ko na ang iwanan ng boyfriend. Na tila di ako kumpleto ng walang relasyon. Kaya nga siguro matumal na ngayon. Ewan ko ba, para bang nawalan na ko ng gana? Nagsawa na siguro akong puro 'yun at 'yun na lang ang sinasabi ko.

Kahit nga anong pilit kong sumulat ngayon ng tungkol sa pagmamahal, di ko na magawa. Wala akong maramdaman. Ni hindi ko na nga alam kung totoo pa 'yun. Ayoko na rin namang isipin. Palagay ko mas marami pa 'kong dapat unahin bago yun. Bata pa naman ako.

At saka, naisip ko, marami pa 'kong masasabi na may kinalaman sa lipunan. Sa sarili kong wika. Yung tipong 'pag binasa mo, may matututunan ka. Tulad ng ano? Basahin mo yung mga susunod na isusulat ko.

Nagmamahal,
Ariane

P.S.
May mga pagkakataon na nahihirapan akong sumulat sa sarili kong wika sa parehong pagkakataon na nahihirapan akong sumulat sa Ingles.

Wednesday 11 January 2012

Infertility and Homosexuality

Infertile people can’t marry says Catholic Church?

“What is there that comes from marrying them? Nothing! They are two, they remain two, they die two.” ~Archbishop Oscar Cruz, CBCP

Eto yung pamagat at paunang salita ng link na pinost sa facebook kanina lang ang kaibigan ko. Pamagat pa lang, uminit na ulo ko. Pa’no ba naman kasi suntok sa buwan ang diskriminasyon. Nung binasa ko, kumulo talaga dugo ko. Di ako makapaniwalang sasabihin ng Simbahang Katoliko yun.

Pinanood ko yung balita kahit alam kong mas lalo lang akong maiinis. Pero nalaman kong di naman pala mga “baog” ang tinutukoy sa balita. Tungkol pala iyon sa New Year address ni Pope Benedict XVI na tumutuligsa sa same sex marriage na ibinalita sa GMA News. Okey, isa na namang misleading article. Nakakag@g0.

Katoliko kaya sumulat nun? Di ko alam kung mali lang yung pagkakaintindi niya sa balitang malinaw pa sa sikat ng araw o kung sinadya nya talagang linlangin ang mga mambabasa. Di kaya siya nakakaintindi ng Tagalog? O di lang siya marunong magsalin sa Ingles? Maling-mali ang paggamit ng salitang “infertile” kapalit ng “homosexuals.”

Pero hayaan ninyong isatinig ko na rin ang aking saloobin ko tungkol sa same sex marriage.
Tulad ng ipinahihiwatig sa pangngalan, ito ay ang seremonya ng pag-iisang dibdib ng dalawang taong may parehong kasarian, babae sa babae at lalake sa lalake, na mismong dahilan kung bakit tutol dito ang Simbahang Katoliko sa paniniwalang ang babae ay ginawa ng Diyos para sa mga lalake at ang lalake ay ginawa para sa mga babae.

Pinagpapatibay ito ng mga public attorneys o government officials. Kumbaga, ginagawang legal ang kanilang pagsasama. Civil partnership ang tawag ng mga kanluranin dito kung saan tulad ng civil marriage (kasal sa huwes) ay kinikilala ng Saligang Batas ang karapatan at responsibilidad nila tulad ng mga pinag-isang dibdib ng relihiyosong organisasyon tulad ng simbahan.

Imoral. Makasalanan. Salot. Malas. Malaswa. Salaula. Mahalay.

Ano pang masasakit na salita ang ibabato sa dalawang tao na ang nais lamang ay magmahalan at magsama ng panghabang-buhay?

Alam kong maaari naman silang magsama, wag lang magpakasal. Live-in ba ang tawag dun? Hindi ba’t tinutuligsa rin naman iyon ng simbahan? Kesyo walang basbas nila. Kesyo labag sa kalooban ng Diyos.

Isa rin akong Katoliko at malaki ang respeto ko sa Simbahan at mga turo nito. Pero saan na lulugar ang mga homosexuals? Pinagdaanan na nila ang pagiging confused bago nila tanggapin sa kanilang sarili kung ano sila, wag naman na sana nating hayaang malito pa sila sa kung saan sila dapat.

Wala ba silang karapatang magmahal at mahalin? Wala ba silang karapatang mabuhay ng normal tulad ng heterosexuals?

Sources:

  1. Urban Meter - http://urbanmeter.weebly.com/36/post/2012/01/infertile-people-cant-marry-says-catholic-church.html
  2. GMA News - http://www.gmanetwork.com/news/video/105822/pope-benedict-xvi-tinuligsa-ang-same-sex-marriage-sa-kanyang-new-year-address