Tuesday, 27 March 2012

Utang na Loob

"Patay na raw si Kuya Bong. Inatake sa puso at dinala sa ospital pero tatlong araw lang, binawian na rin ng buhay. Namatay ng mahirap, nakakaawa naman."

Ito ang balitang bumungad sa akin kagabi pagkagaling ko sa trabaho at eskwelahan. Ibinalita raw ng isang kamag-anak na namatay na ang kaibigan ng aking mga magulang na naging dahilan kung bakit kami nakaaangat ngayon sa buhay.

Sila Ate Neng at Kuya Bong ang dahilan kung bakit unang nakapangibang bansa ang aking mga magulang at ang marami pa naming mga kapitbahay dalawampung taon na ang nakakaraan. Marami silang natulungan at maaari mong sabihin na sila ang pinakamayaman noon sa aming lugar. Panay ang panlilibre at pamumudmod nila sa mga tao. Parang pista lagi sa dami ng alak at pagkain na ipinamamahagi nila. Hindi sila naging maramot. Ngunit may manipis na linya sa pagitan nito at pagiging pabaya. Nakalimutan nila ang magtabi para sa kanilang sarili, para sa hinaharap. Hindi nila napag-ingatan ang kasaganahang ibinigay sa kanila ng pagkakataon.

Makalipas ang ilang taon, nalulong sa masamang bisyo ang isa sa kanilang mga anak at kinailangang ipagamot sa rehabilitation center. Kasabay nito ay ang inggit na lumamon sa mga kababayan natin. Ipinagkalulo sila ng isang kakilala na naging dahilan upang hindi na sila muling nakapangibang bansa pa.

Sinubukan pa nilang umahon sa kakaunting perang naipon nila. Ngunit kinalauna'y naubos rin ito at naibenta ang mga bagay na naipundar. At kasabay nito'y pagkawala rin ng kanilang mga tinatawag na 'kaibigan'.

"Utang na loob!" ang kanilang sigaw. Matapos nilang tumulong at makisama sa tao, ito lang pala ang kanilang matatamo. Hindi naman siguro sa humihingi sila ng kabayaran sa kanilang mga naibigay ngunit ano ba naman ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong minsang umalalay sa'yo?

Tunay nga ang sabi ng aking mga magulang. Ang mga huwad na kaibiga'y magaling lamang kung may makukuha sila sa'yo, kung may pakinabang ka sa kanila. Pero 'pagdating ng araw na sila naman ang kailanganin mo, umasa kang hindi ka nila papansinin na tila'y hangin.

Sa ngayo'y unti-unti nilang sinusubukang makatayong muli mula sa pagkakadapa sa tulong ng maliit na negosyo. Nasa ibang bansa na rin ang isa sa kanilang mga anak. At naniniwala akong pahahalagahan na nila kung anuman ang ipagkakaloob sa kanila ng Diyos.

Tunay ngang mapaglaro ang tadhana. Hindi natin nalalaman kung ano ang mangyayari sa susunod na araw. Kaya paalala mga kababayan, lalo na sa mga OFW, huwag po sanang dumating ang panahon na iwan na kayo ng karangyaan at mga taong sa ngayo'y kinikilala kayong 'kaibigan'.

Nagmamahal,
Ariane

Palimos Po

May nakita ka na bang matandang puti na ang lahat ng buhok na nagtitinda sa mga overpass? Matandang tila wala ng lakas sa kapayatan na naglalako ng sampaguita sa mga simbahan, palengke o kalsada? Matandang nakasalampak sa lupa, baluktot ang likod na may katabing lata?

Anong naramdaman mo? Nakaramdam ka ba ng awa at kirot sa iyong puso? Ano ang ginawa mo? Bumili ka ba ng itinitinda nila o nagbigay ng limos?

Kung oo ang sagot mo, marahil isa kang maka-lolo o makalola. O dumadaloy pa rin sa dugo mo ang pagiging isang tunay na Pilipinong may paggalang sa nakatatanda at kapwa kahit pa  hindi mo naman personal na kakilala.

Sabi ng mama ko, wag na wag daw naming kalimutang magbigay ng tulong sa tuwing makakakita ng ganun. Mas mabuti na kami ang nagbibigay kaysa binibigyan. Gayundin ay ang pagpapaalalang pangalagaan ang kung anong meron kami para sa hinaharap upang hindi matulad sa sinapit nila.

Pero dapat nga ba silang kaawaan? Hindi dapat, ang sabi ng professor ko noong nasa university pa 'ko. Siyempre natahimik kaming lahat sa klase. Tapos nagsimulang bumagsak isa-isa ang mga mukha at magbulungan. Lahat may violent reaction. Hindi namin inaasahan na manggagaling ang mga salitang iyon sa matalinong professor na iginagalang at tinitingala naming lahat at ng kapwa niya mga guro.

Ngunit bago pa man tuluyang mag-init ang malamig na klasrum, nagsimula na siyang magpaliwanag. Hindi sila dapat kaawaan dahil matatanda na sila. Dapat kaya na nila ang sarili nila. At para pagtibayan ang kaniyang sinabi, nagpatuloy siya sa pagsasabing, binigay na sa kanila ng Diyos ang lahat ng pagkakataon para pangalagaan at pagyamanin ang kung anong meron sila. Nabuhay sila ng ilang dekada nang hindi man lang naaayos ang buhay nila.

At mas lalong natahimik kaming lahat. May punto ba si prof? Sabi nga, hindi mo kasalanan kung pinanganak kang mahirap pero kasalanan mo kung mamamatay kang mahirap. Marami na tayong napanood, nabasa at narinig na kwento ng pakikibaka ng mga taong nagmula sa kahirapan pero pinilit makaahon at makarating sa rurok na kanilang kinalalagyan.

Kung babalikan ang nakaraan, marahil sila yung mga hindi nag-aral ng mabuti sa eskwela. O di kaya'y dating mga mayayaman na inubos ang lahat ng pera at karangyaan sa mga walang kabuluhang bagay. O maaari rin namang naging mahina lamang sila sa mga pinagdaanang pagsubok ng buhay kaya't tuluyang nasadlak sa putikan. O pwede rin namang biktima lamang sila ng pagkakataon. Isinilang ng mga magulang na walang sariling tahanan at maski mga sarili ay hindi kayang pakainin. Mga taong namamalimos rin at naiiraos lamang ang pang-araw-araw na buhay mula sa kaunting barya na tulong ng mga taong nakakasalubong nila sa daan.

Nakakaawa? Siguro nga. Gayunpaman, nararapat lamang na tulungan natin sila sa mga huling sandali ng buhay nila at gamitin ang mga kwento nila bilang paalala na hindi natin dapat aksayahin ang mga pagkakataon na ibinibigay sa atin ng kapalaran.

Nagmamahal,
Ariane

Friday, 23 March 2012

Dahil Sa'kin, Sa'yo, Sa'tin


Nasaan na ang maunlad at kinaiinggitan nating bansa? Dalawampu't anim na taon na ang nakalipas mula nung Edsa Revolution. Pero nasaan na ang pinaglaban nating pagbabago?

Bakit marami pa rin ang nagugutom? Bakit marami pa rin ang nagtitiis ng lamig sa kalsada at pinagtagpi-tagping kahoy at yero sa kakulangan ng mga pabahay? Bakit marami pa rin ang walang trabaho?  Bakit marami pa ring nawawalang pondo? Bakit marami pa ring nagugutom? Bakit marami pa ring di makapag-aral? Bakit marami pa ring pinapatay at pumapatay? Bakit marami pa ring mahirap? Bakit nga ba di na umaahon ang Pilipinas at tila tuluyan nang nasadlak sa putikan?

Dahil sa'tin.

Sa'tin? Bakit tayo? Wala naman tayong ginagawa ha!

Yun na nga problema e. Wala tayong ginagawa.

May magagawa ba tayo? E mismong mga pinuno nga ng bansa natin walang magawa.

Sus, ano pa bang bago diyan? Sino pa bang hindi nakakaalam niyan? Halos lahat na tayo idinadaing 'yan. Maski nga ang kawalan ng bigas na isasaing sa araw-araw, isinisisi natin sa gobyerno. Pero ilang eleksyon na ba ang nagdaan? Nakailang palit na ba tayo ng presidente sa pag-aakalang may pagbabagong magaganap? Minsan ba naisip natin na baka naman nasa atin na pala ang problema? Kahit naman kasi sinong iboto at mahalal sa posisyon, inaayawan at pinabababa natin.

Tama na muna sigurong ibato ang lahat ng kamalasan sa buhay natin sa gobyerno. Tigilan na natin ang paghihintay na may gagawa ng mga bagay para sa atin. Dapat nating malaman na walang isang pinuno ang sasapat sa dami ng problema ng bansa. Pansinin natin ang paglalakad ng isang talangka, hindi umuusad; patagilid na, mabagal pa. Kaya tigilan na natin ang pagiging utak-talangka, di tayo aasenso niyan.

Kung magtuturuan at magsisisihan nalang tayo habang nakikipagtsismisan at nagbabasa ng mga sanaysay na tulad nito, wala pa ring mangyayari. Kailangan nating kumilos. Himbis na ayusin ang mga bloke sa tetris para maunahan ang mga kaibigan mo sa facebook ranking at mag-tweet ng kinain mo kaninang umaga sa twitter at pag-uubos ng oras sa maghapon kakabasa ng mga kalokohan sa 9gag, ibahagi ang mga kaisipang tulad nito. Para saan pa ang mga sumusulat kung walang bumabasa? Para saan ang mga bumabasa kung wala namang umaaksyon? Kailangang simulan natin ang pagbabago sa sarili natin.

"Change will not come if we wait for some other person or some other time. We are the ones we've been waiting for. We are the change that we seek." ~Barack Obama

Oops, scroll up. Basahin ulit. Nagdadalawang-isip ka siguro kung may pakialam ba talaga ako sa Pilipinas? Ibang presidente ata ang naisulat ko. H'wag mo nang gawing big deal yan. Wala na tayong panahon para sa pamimilosopo mo dahil nahawa ka na kay Vice Ganda, Boy Pick-Up, at SimSimi.

Tanong tayo nang tanong. Puna tayo nang puna. Maghihintay nalang ba tayo sa pagbabagong hinihahangad natin? Ano na ba ang nagawa natin para sa bayan? At kung hindi pa tayo ngayon kikilos, kailan pa?

Lahat ng bagay sa una'y mahirap at masakit. Ngunit pasasaan ba'y giginhawa't makakaahon rin tayo. Magkakapatid tayo at kailangan tayo ng ating inang bayan. Isantabi muna natin ang inggit at hinanakit sa ating kapwa. Tsaka na muna tayo magpayabangan at magpasiklaban. Kailangan nating magtulungan.

Hindi mo ba pinangarap na makikilalang tayong muli at tingalain sa buong mundo hindi lamang dahil sa mga talentadong Pinoy Pride at pinakamadaming pinakamahabang pinakamalaking pinakapinaka? O hindi ka man lang ba nahihiyang numero uno tayo sa pinaka-corrupt na bansa sa Asia at may pinakamaruming airport?

Tayo ang dahilan kung bakit walang pagkakaisa. Tayo ang dahilan kung bakit nagsusumigaw sa paghihirap ang Perlas ng Silanganan. At tayo rin ang magiging dahilan ng pag-asenso nitong muli.

Dahil sa'kin pwedeng magising ka sa katotohanan. Dahil sa'yo pwedeng magsimula na ang mga pagkilos. Dahil sa'tin pwedeng magbago ang bulok na sistema ng bayang ito.

Nagmamahal,
Ariane

Friday, 9 March 2012

Wag namang ganyan, Kabayan!

Kakatapos ko lang magtrabaho. Andaming naging pasyente. Pagod at basa na ko ng ulan dahil nakalimutan kong magdala ng payong. At kapag inabot ka nga naman ng kamalasan, lowbat pa yung fone ko kaya di ako makapakinig ng Christian Songs. Tinatamad din naman akong hugutin ang libro sa bag para magbasa. Naisip ko nalang matulog sa mahigit isang oras na biyahe pauwi ng bahay.

Pagkahinto ng tren sa una nitong stop, isang kababayan natin ang sumakay na may kasamang ibang lahi na mula rin sa Asya. Ngumiti ako at malamya naman siyang tumugon. Ipinikit kong muli ang aking mga mata pero hindi ako makatulog. Narinig kong pinag-uusapan nila kung gaano kaganda ang buhay dito sa London.

Maya-maya lang napasok na sa usapan ang Pilipinas. Tinatanong yung kababayan natin kung ano daw masasabi niya sa ating bansa. English ang sagot niya pero kung isasalin sa sariling wika, sinabi niyang...

"Mahirap kasi walang trabaho, walang makain. Kurakot ang gobyerno at walang kwenta ang mga batas dahil walang mga sumusunod at wala rin namang nagpapatupad. Kung dun ka titira, walang mangyayari sa buhay mo. Pero okey din naman."

Di ko napigilang imulat ang aking mga mata at tignan sila. Ganun na lamang ang hiya ko sa sarili ng makita kung gaano sila kadismaya sa narinig habang nakangiti pa rin ang walang pakundangan sa pagsasalita. Muli kong ipinikit ang aking mga mata at naghintay kung may sasabihin siyang positibo. Pero wala. Paano naging okey yung mga sinabi niya? Ni hindi man lang niya nilinaw sa mga kausap kung anong ibig sabihin ng "okey" para sa kaniya.

Wag namang ganyan, Kabayan! Para mo ng pinatay ang isang bayang naghihingalo pa lamang. Sapat ng alam nating mga Pilipino ang dapat baguhin sa ating bayan. Di na natin kailangan pang ipamalita sa ibang bansa kung gaano tayo kabastos at kawalang disiplina. May maitutulong ba sila? At sa ginawa mo, may naitulong ka ba? Lalo mo lamang sinira ang imahe ng ating inang bayan.

Aminado akong totoo ang mga sinabi niya. Kung tutuusin, ito rin ang kadalasang pinupunto ng mga sanaysay ko. Ngunit may mas magandang paraan kung paano ito sasabihin. At taliwas sa kaniyang motibo, ang hangad ko'y pagbabago.

Sa halip na ibenta ang sarili mong bayan sa mga karatig-bansa nito, bakit hindi mo itanong sa iyong sarili kung may naitulong ka na ba para matuldukan ang mga kabulukang nabanggit mo? Nakalimutan mo na ba na kahit wala ka na sa Pilipinas ay kakabit pa rin ng iyong pagkakakilanlan ang pagiging isang Pilipino? O talagang kinalimutan mo na?

Kung kaya ka nangibang bansa dahil nais mong tulungan ang iyong pamilya at maipagmalaki ng iyong bansa, saludo ako sa iyo. Pero kung umalis ka para talikuran ang bulok na sistema nito at masalimuot mong buhay, duwag ka. Hindi ka nararapat na tawagin bilang OFW na mga bagong bayani ng ating bayan. Tama na ring umalis ka dahil isa ka lamang pampabigat. Isang makasariling tao na walang pagtanaw ng utang na loob sa bayang kumalinga sa'yo ng ilan ding taon.

Kabayan, sana magbago pa ang iyong pananaw. Sana balang araw, kainin mong muli ang iyong mga sinabi. Pero kung hindi na, sana lang, wag ka ng bumalik sa ipinagkalulo mong pinanggalingan.

Nagmamahal,
Ariane

Thursday, 1 March 2012

Pinoy Raw, Matigas ang Ulo!

Bakit tayo bumababa at sumasakay, nagbababa at nagsasakay sa mga no loading and unloading area? Bakit tayo tumatawid sa ilalim ng overpass kahit may malaking babala na nagsasabing may namatay na rito? Bakit tayo nagtatapon ng basura kahit may paalala na bawal magtapon ng basura rito? At mas lalong bakit tayo umiihi kahit may nakasulat ng 'Ang umihi, putol t*t*'?

Sadya nga bang matigas ang ulo nating mga Pilipino? O trip lang natin na kalabanin ang mga batas ng lipunan para matawag na ASTIG?

Pero teka, 'astig' nga bang maituturing ang mga taong pilit na pinatutunayan sa sariling masarap gawin ang bawal? Nakakabilib ba ang lakas ng loob natin sa pagsuway sa mga payak na alintuntunin na madali lang namang gawin? Marahil nararapat lamang na tawagin tayong mangmang.

Mahirap ba talagang maglakad ng ilang minuto para sumakay at bumaba sa mga tamang sakayan at babaan? Nakakapagod ba talagang umakyat sa overpass para tumawid kaya nakikipagpatintero na lamang tayo sa mga mabibilis na sasakyan? Nakakatamad bang ilagay sa bulsa o hawakan muna ang kalat hanggang sa may mahanap na basurahan? At nakakamangha bang makakita ng asong umiihi sa mga pampublikong pader kaya dapat gayahin rin ng tao?

Kung ang mga simpleng ordinansang tulad ng mga nabanggit ay hindi natin kayang sundin, paano pa kaya ang mga nakapaloob sa ating Saligang Batas? Tapos tanong tayo ng tanong kung bakit walang kaayusan at katahimikan sa ating bansa.

Hindi lang ba natin nauunawaan na ang mga kautusang ito ay ginawa hindi para pahirapan at pagurin tayo kundi para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat isa sa atin? O baka naman tamad lang talaga tayo kaya hilig nating maghanap ng shortcut?

Ilang beses na ba tayong na-late dahil sa mabagal na daloy ng trapiko? Ilang beses na ba tayong nakasaksi ng nasagasaan dahil tumawid sa maling lugar? Ilang beses na bang nagbaha na kumitil sa buhay ng daan-daan nating kababayan dahil sa mga baradong estero at kanal? Ilang beses na ba nating pinigilan ang paghinga pansamantala para maiwasang malanghap ang di kanais-nais na simoy ng hangin?

Pero paano nga ba tayo susunod kung kulang tayo sa mga matitinong opisyal na magpapatupad sana ng mga batas na ito? Mga lider na sila mismo ang pasimunong lumabag ngunit hindi naparurusahan.

Hanggang kailan ba natin idadahilan na hindi naman lahat ng Pilipino ay tamad, walang disiplina at respeto para sa bayan? Oo nga't may mangilan-ngilan pa rin namang masisikap na may malasakit at pagmamahal sa bansa. Pero ano ang ginagawa ng nakararami? Sa siyam na pung milyong Pilipino, ilan na lamang ba ang nagtatiyagang tahakin ang matuwid na daan?

Nagmamahal,
Ariane